Published by: Alfred Luis Armando
Date published: September 30, 2022
Time published: 2:42 pm
Kategorya: Prosa
Tema: Imahinasyon at Pag-ibig
Sinopsis: Sabi nila, ang pagmamahal raw ay nasa paligid lamang. Darating at darating ang panahon na makikilala at makikita ko rin ang taong nakalaan para sa akin. Kailangan ko lamang na maghintay sa tamang panahon. Ngunit papaano kung ang pagmamahal na hinahanap ko ay ang siya palang naghihintay sa akin sa hinaharap?
“Ikakasal ka kay Mariano sa ayaw at sa gusto mo Katrina,” pagalit na sabi sa'kin ni Inay habang nasa hapag-kainan. “Ngunit Inay, hindi ko po mahal si Mariano. Ni hindi ko pa nga po siya lubusang kilala. Kung nais niyong maging parte siya ng pamilya natin ay kayo na lamang ho ang magpakasal sa kanya,” mariin kong tugon bago umalis. Alam kong mali ang pagsagot ko nang pabalang kay Inay at ang pag-iwan ng pagkain sa lamesa, ngunit hindi ko mapigilan ang sarili na sumama ang loob.
Lagi akong sumusunod sa bawat utos niya subalit ang ikasal sa taong hindi ko naman iniirog dahil lamang sa gusto niya ay hindi ko kaya.
Humihikbing binaybay ko ang daan papunta sa ilog malapit sa kabukiran. Dito ako madalas na nagpapalipas ng oras kapag ako’y nagsasawa na sa pagbabasa ng nobela ni Tatang. Umupo ako sa isang malaking bato at pinagmasdan lamang ang tanawin. Sumalok ako ng kaunting tubig gamit ang aking kamay at inihilamos ito sa aking mukha. Kitang-kita ko ang repleksyon ng aking sarili mula sa tubig na akin namang ikinatuwa.
“Kokak.”
Huni ng palaka na siyang ikinagulat ko kaya naman ay nadulas ako sa batuhan. Naku! Lagot ako nito kay Inay!
Dali-dali kong pinilit na tumayo mula sa pagkakalugmok sa ilog ng maramdaman ko ang isang mahigpit na hawak sa aking kaliwang paa. Ang mas ikinagulat ko pa ay ang biglaang paghatak nito sa akin patungo sa malalim na parte ng ilog. Buong lakas kong pinipilit na kumawala ngunit bigo ako. Unti-unting sumikip ang aking dibdib at nandilim ang paningin hanggang sa tuluyang mawalan ako ng malay.
“Miss, okay ka lang ba?”
Isang boses ng lalaki ang aking narinig. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata at isang imahe ng matipunong lalaki ang tumambad sa aking harapan. Nanlalaki ang matang inilayo ko ang sarili sa kanya. Mamaya ay may makakita pa sa amin at maging usap-usapan pa ako sa nayon.
Mahinang tumawa ang lalaki at itinaas ang dalawang kamay na tila ba nagpapahiwatig na wala siyang balak na masama.
“Miss, hindi ako masamang tao. ‘Wag kang mag-alala. Ako pala si Nicolas, nakita kitang walang malay sa may batuhan kaya naman nilapitan kita," paliwanag nito. Nawala naman ang pangamba sa aking dibdib. Bahagyang ngumiti ako sakanya at nagpakilala rin.
Naging mabuting magkaibigan kami at nagkakuwentuhan. Masaya at tila ba nakalimutan ko ang tungkol kay Inay yaong mga oras na kausap ko siya. Bago pa lamang kaming magkakilala ngunit pakiramdam ko ay matagal ko na siyang nakasama.
“Ah Katrina, may gusto sana akong sabihin sayo," sambit ni Nicolas habang pinagmamasdan namin ang tubig mula sa talon.
Ibinaling ko ang tingin sa kanya at ngumiti. “Ano iyon Nicolas?”
“Maha—“
“Katrina! Gumising ka anak! Berto ang anak natin!” pamilyar na sigaw ang aking narinig.
Naramdaman ko ang bahagyang pag-alog sa aking katawan kaya naman ay iminulat ko ang aking mga mata. Tumambad ang nag-aalalang si inay at itay sa aking harapan.
Napahawak ako sa ulo dahil sa kirot nito.
“Ano hong nangyari Inay?” naguguluhan kong tanong sa kanila.
“Nalunod ka sa ilog anak. Alam kong mali ang ginawa kong pagpilit sa iyo. Patawad, hindi na kita pipilitin pang ikasal kay Mariano." Lumuluhang tugon sa akin ni Inay. “Nasaan po si Nicolas? Nakita niyo po ba siya?" agad kong tanong nang maalala ang nangyari kanina.
“Nicolas? Sino iyon? Wala kang ibang kasama nang matagpuan ka nila." Nagtatakang sabi ni inay sa akin.
Kunot noo akong tumingin sa paligid. Panaginip lamang ba iyon?
Ilang araw ang lumipas at nakumbinsi ko nga ang sarili na panaginip lamang ang nangyari sa ilog. Hindi na rin ako pinilit pang ipakasal nila inay kay Mariano.
Ilang taon ang lumipas at ako ay nasa kolehiyo na. Nakangiti kong pinagmasdan ang paaralang sikat dito sa Maynila. Oo, Maynila. Napilit ko sina Inay na payagan akong ipagpatuloy rito ang aking mga pangarap. Hinding-hindi ko sila bibiguin.
Maglalakad na sana ako papasok nang mabangga ako ng isang lalaki.
“Sorry Miss, nasaktan ka ba?” Agad akong umangat ng tingin at ikinagulat ang nakita.
Nicolas…
“Katrina..."
“Matagal na kitang hinihintay," sambit niya na siyang dahilan ng pag-ngiti naming dalawa.
No comments:
Post a Comment