Friday, September 30, 2022

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Limos" ni Francine Dianne Ambayec

 


Published by: Aira Lindsay L. Dela Cruz

Date published: September 30, 2022

Time published: 2:04 pm 



Kategorya: Prosa

Tema: Inang Bayan

Sinopsis: 

Habang pauwi mula sa aking katatapos na klase aking namataan ang isang nanlilimos na matandang ginang. Unti-unti akong lumapit at siya'y pinagmasdan na parang nanunuri, halos mapunit na ang kanyang suot na tela na nagsisilbing kaniyang kasuotan. Hindi ko maaninag ang kaniyang mukha sapagkat natatakpan ito ng magulo niyang buhok. Ngunit isa lang ang aking nasisiguro—puno ng luha ang kaniyang mga mata.


Kinausap ko siya at sinabing, "Kamusta ho kayo at bakit kayo umiiyak?"

Ngunit lumakas lamang ang kaniyang paghangos na parang litong-lito at may hinahanap. Hindi ako nagsalita at naupo sa kaniyang tabi. Makalipas ang ilang minuto naramdaman ko ang kaniyang hagod sa aking likod na parang kinikilala niya ang init ng aking katawan sa kaniyang malalamig na palad. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at nagsalita.


"Nakita mo ba ang aking anak?" Agad akong umamo't sumagot ng, "Hindi po."


"Paano po siya nawala?" Ngunit, katahimikan lamang ang tugon niya rito.

Maya-maya'y nagsalita nanaman siya. "Kasama ko ang aking anak bago ako mapunta rito. Napakamaalahanin at lagi akong inalagaan ngunit siguro'y nagsawa siya at umalis. Sino ba naman ang gugustuhing mag alaga ng gusgusing nanay?"


Nang marinig ko ang kaniyang kwento ay naawa ako sa ginang. Batid kong mahal niya ang kaniyang anak at ayaw niya na itong mahirapan. Napagtanto kong iba talaga magmahal ang ina sa kaniyang anak, naisip ko rin na baka kaya pagala-gala ang ginang ay upang hanapin ang kaniyang supling.


Hindi na ako tumugon ngunit hinaplos ko ang kaniyang kamay upang iparating na dinadamayan ko siya sa sakit na kaniyang dinarama. Nang mapansin kong mag gagabi na ay tumayo ako at sinabing ako ay uuwi na. Bago ko pa siya matalikuran ay nagsalita siya at sinabing, "Ikaw at lahat ng nabubuhay ay aking mga anak wag niyo sana akong talikuran bago ako tuluyang masira at kayo ang mahirapan."


"Hindi ko kayo hahayaang manlimos gaya ng aking ginagawa subalit sino ang kakalinga sa inyo kapag ako ay nawala?" Ngumiti siya at kumaway sa akin bago tuluyang humiga at nagpahinga.

No comments:

Post a Comment