Thursday, January 19, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Gumagalang Buwan” ni Kryztyn Tambis

Published by Mea Nicole Osias

Date Published: January 19, 2023

Time Published: 9:38 AM

Kategorya: Tula

Tema: Pagdadalamhati, Pagaalala o pagunita


Mabilis at walang kahanda-handa.

Iyong binigla ang pusong tinatamasa—

ang mabungisngis at humalakhak na alapaap.

Tila ba ako'y napukaw sa isang panaginip

sa pagdilim ng banaag sa'ting himpapawid. 


Ika'y umalis nang walang pasabi.

'Di ko alam! 'di ko mawari! 

Mundo'y binalot ng dilim; ako'y napaluhod

sa takipsilim, napatingala sa sansinukob;

'di ko maisip kung pa’no napanatag pa rin ang loob

kahit mapoot na ang tanawin ng mundo.


Napagtanto—sa bawat gabi na pinagmamasdan 

ng aking mga mata ang liwanag 

ng kalawakan; ang ningning ng buwan

na binabanggit kung nasa'n ka man.

Ikaw pala'y parati lang nakatingin, nariyan sa mga bituin.


Bawat gabi'y sinusundan 

ng liwanag mong dala 

ang aking mga paa. Sa'n man mapadpad,

Sa'n man maglakbay, ika’y gumagalang bulan.

'di man kita makita, 'di man mahawakan,

Batid kong diwa mo'y 'di ako nilisan.


Photo by Mj Tamaray

No comments:

Post a Comment