Thursday, January 12, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Salin sa Wikang Umiibig" ni Rovielyn L. Balicog

 

Published by: Lloyd Agbulos 

Date published: January 12, 2023

Time published: 4:42 P. M


Kategorya: Tula


Sa mundo nating tila isinulat sa iba't ibang pahina;

Minsang hinangad na tayo ay maging isang buong akda.

Kung sana ay naisulat tayo sa iisang panahon,

Hindi na kinailangang bumuo ng anumang imahinasyon.


Naisin ko man na masunod ang ating mga nag-aalab na damdamin;

Lahat ng unos at sakit sa kwento natin ay ating lilimutin.

Sa bersyon kong walang pangamba at gulo,

Ikaw ang bukod tangi, 

Mahal kong ginoo.


Kung nilabanan nalang sana ang pusong natakot at nag-alinlangan,

Baka sakaling kayakap ko na ang sa'kin ay nakalaan.

Mas maaga ko sana kinuha ang papel at pluma,

Inunahan ko sana sa pagsulat ang tadhana,

Aking sinta.


Sa akdang hindi natapos, 

Sa tunay at mapanakit na mundo,

Patawarin nawa ng nasaktan na ginoo.

Kapiraso ng puso ay nahulog na sa bersyon ng akda ko.

May pag-asa pa bang makuha at muling mabuo?


Sa huling ningning ng buwan at mga tala,

Humihiling ako sa milagrosong kamay ni tadhana;

Nagmamakaawang mapagbigyan aking hiling ni Bathala.

Mga pagkakamali sana ay mabura at maitama.


Pahintulutan nawa na mabago ang mga naunang kabanata,

Nang sa gayon pagmamahalan ang maghari sa akda.

Patuloy na susubok na muling sumulat sa mga naiwang pahina.

Hiraya manawari mahal kong ginoo,

Sapagkat yun din ang nais ko.


Babalikan kita mahal ko,

At tatapusin ko ang ating akda.

Ipinapangakong sa dulo ng kwento, 

Ikaw at ako ang bida.

No comments:

Post a Comment