Thursday, February 2, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "AKO AY ESTUDYANTE, HINDI ESTUDYANTE LANG!" ni Mark Reyes



Published by: Rhina Ruth Galano

Date published: February 02, 2023 

Time published: 11:46 AM

  

Kategorya: Tula

Tema: Kawalan ng pribilehiyo sa larangan ng edukasyon at hirap na dinaranas ng mga mag-aaral na biktima ng kahirapan.


Ano ba ang magagawa ng isang mamamayan,

Na ang dala lamang ay isang aklat at panulat?

Isang puslit na maagang namulat,

Sa pamanang hirap na hatid ay sugat.


"Estudyante ka pa lang!"

"Wala ka pang dulot sa lipunan!"

Ang mga katagang 'yan ilan lamang—

Binabato ng bungangang walang kamalayan.


Sa katotohanang kalagayan ng lipunan,

Sa kasalukuyang kinakaharap,

Walang kasiguraduhan sa hinaharap.

Dahil ang pag-asa ngayo'y naghihirap.


May prinsipyo, pursigido,

Matalino at dedikado.

'Yan lamang ang tanging paraan,

Upang takasan ang pamanang kahirapan.


Ngunit may saysay nga ba

Ang pagiging pursigido?

Kung tahanan mo na ang s'yang todo—

Sumisira sa pangarap na 'yong binubuo.


Masayang pumasok ng paaralan.

Kung may pribilehiyo't natutugunan ang kailangan,

At 'di na kinakailangang kumayod kinagabihan,

Upang tugunan ang sariling pangangailangan.


"Magpasalamat ka nalang,

Dahil ika'y nakakapag-aral."

Isang kataga na naman,

Ang binato ng pribilehiyong mamamayan.


Dahil sa lahat ng ito,

'Di na alam ang daang tatahakin ko.

Oo, ako ay lubos na nalilito.

Dahil 'di ganito ang inaasahan ko.


Kung ika'y papipiliin;

Anong daan ang 'yong tatahakin?

Ang makaraos sa pang araw-araw,

O, ang makaahon sa sa pamanang kahirapan.

No comments:

Post a Comment