Monday, October 30, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Ang Huling Tugtog" Ni Asliah Baute

 


Published by: Mary Nazarene Francisco

Date Published: October 30, 2023

Time Published: 10:39 AM


Katergorya: Tula

Tema: Pagaantay sa pagbabalik ng isang minamahal.


Noon pa ay mahilig na akong makinig ng musika,

Mula sa pakikinig, natutunan kong tumugtog,

Nakakabighani ang mga ingay na ginagawa nito,

Akala ko noon, sapat na ang mga kanta,

Upang malunod at malibang ang sarili.

Ngunit noong narinig ko ang iyong boses,

Ay tila may isang himig na  bumihag sa akin at 

dinala ako nito papalapit sa tabi mo.


Hindi ko mawari pero parati kitang pinagmamasdan,

Ang munting pagalaw ng porselas mong mga 

daliri sa bawat istring ng 'yong gitara,

Ang pagpikit ng iyong mga mata na tila sumasakay sa himig ng 'yong nililikha, nakakabighani ka.

Inaaliw mo ako sa pagtugtog mo ng gitara habang sinasabayan mo ito ng pagkanta, 

Tila nais akong alipinin nito papunta sa iyo.


Naalala ko pa ang unang araw na inaya mo ako, 

Labis ang galak na nararamdaman ko ng sinabi mo 'yon, at ng sabay tayong tumutugtog, napangiti ako,

Tila pareho tayong pinaglalaruan ng tadhana.

Mga kamay man ay abala sa pagkumpas,

Mga mata naman ay abala sa pagsulyap,

Parehong abala, subalit puso ay nagiisa,

Kasabay ng himig na parehong nililikha.


At sa araw na ang ikaw at ako ay naging tayo,

Hindi mangangako sa iyo ng kahit ano,

Ang tanging hiling ko lamang sa kalangitan, 

Nawa'y gaya ng musika, may mga araw man na 

hindi mag magtugma ang ating mga lirika,

Nawa'y piliin mo pa rin ako at hindi sukuan,

Dahil alam mong hangang sa dulo, makakabuo rin tayo ng mas makabuluhan pa na kapwa

 aakit at uukit sa puso ng isa't isa.


Nakakatampo lang, tila ang bilis ng panahon,

Dati lang tiyak ako sa'kin pa ang mga tingin mo,

Pero ngayon, nangangapa ako sa mga sulyap mo,

Para sa akin pa ba 'yon? O binibigyan ko lang ng kahulugan ang bagay na simple lang naman.

Babalik ka pa ba? O ito na ang katapusan 

Nang kantang pareho nating nilikha. 

Hindi na tugma ang himig natin, magulo na tayo.


Ngayon ako ay tutugtog, pagbigyan mo na.

Ikaw ang inspirasyon sa kanta, ang huling tugtog 

na 'to ay para sa'yo, “maghihintay ako.”

Marami man ang hadlang, hindi kita susukuan,

Tinig mo ang siyang nilalaman ng mga nota,  

Ikaw ang aking musika, Ikaw ang paboritong instrumento, naiiba ka, natatangi ka.

Ikaw ang himig na parati kong hahanap hanapin dekada man dumaan.


“At kung mangulila ka man sa presensya ko, asahan mo ako'y nangangako, magaantay ako sa lugar na una tayong nagtagpo, dala ang paborito mong gitara ko.”



No comments:

Post a Comment