Monday, October 30, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Patawad" ni Asliah Baute

 


Published by: Mary Nazarene Francisco

Date Published: October 30, 2023

Time Published: 12:05 PM


Katergorya: Tula

Tema: Pagpili sa sarili kahit alam na masakit, para sa isa't isa, para sa bukas.


Ang sabi, “Mahal kita.”

Ang tugon, “Pasensya, hindi ko dama.”

Nakatitig muli sa walang hanggan,

Iniisip kung saan ba ako nagkulang,

Na kung bakit hindi ako ang nais na kanlungan sa uwian,

O baka hindi lang talaga ako ang siyang kailangan.


Ang sabi mo sa'kin, “Hayaan mong maging

pahinga mo ako sa nakakapagod na mundo.”

Kay tamis pakinggan, ngunit mapapatawad ba

Kung itutugon kong, “Mahal, mas nakakapagod ka, Ito na ba ang pahinga na sinasabi mo?”

Kasi kung oo, huwag na lang.


Ganoon pala talaga, kahit gaano katagal,

At kamahal n’yo ang isa’t isa, kung palaging may kulang, tiwala ay naiiwan, ‘di pagkakaunawaan ay dumalas, distansya ang naging pagmamahalan.

Babalik kayo muli sa umpisa, estranghero,

Ngunit ngayon ay kapwa may alaala sa bawat isa.


Tulad ng panandaliang sayang pinagsaluhan,

Nais ko ring limutin ka nang mabilis.

Subalit, tandaan mo sana na umalis ako,

Kasi hindi na pwedeng manatili sa tabi mo.

Malayo na tayo, malabo na tayo.

Lilipas, pero ikaw ang pinakamasakit na paalam ko.


Hindi na hahayaang tutulo ang luha‚

Alam kong sapat na lahat ng pagmamahal‚

Na sa'yo ay iginawad‚ ilang patawad man ang

aking matanggap‚ paumanhin sapagkat

Ngayon ako’y natuto na, ayaw ko na,

Patawad pero hindi ko na makita ang dating tayo.


“Ako ang palaging nandiyan subalit hindi ako ang iyong kailangan.”

No comments:

Post a Comment