Monday, October 9, 2023

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : “Propesyong Pang-Edukasyon, Bigyang Atensyon” ni Michelle C. Saro


Published by: Faith Villaluna

Date Published: October 9, 2023

Time Published: 9:19 AM


Malaki ang ambag ng mga guro sa ating buhay. Sila ang nagsisilbing pangalawa nating magulang sa loob ng paaralan. Sila rin ang nagbibigay ng bagong kaalaman at aral na maisasabuhay natin sa pang-araw-araw. Ngunit sa paglipas ng panahon ay paunti nang paunti ang mga mag-aaral na kumukuha ng kursong pang-edukasyon. Paano na kaya ang susunod na henerasyon?


Sa pagpasok ng modernong panahon ay nahaharap sa krisis ang propesyon ng pagtuturo. Kapos na kapos ang mundo sa mga guro. Kaya sa pagdiriwang kahapon ng World Teacher's Day na may temang “The teachers we need for the education we want: The global imperative to reverse the teacher shortage” ay naglalayon itong ipahinto ang bumababang bilang ng mga guro at ipataas ang mga bilang ng mga ito sa tuktok ng pandaigdigang hangarin [1]. Nararapat lamang na mabigyan ng atensyon ang mga guro na magtuturo ng mga kaalaman sa susunod na mga mag-aaral dahil paano na lamang kung wala sila, hindi rin tayo magkakaroon ng mga abogado, inhinyero, doktor at iba pang mga propesyon na makatutulong sa atin ngayon at sa kasalukuyan.


Maraming mga guro sa Pilipinas ang nakararanas ng mga problema katulad ng kakulangan sa sahod na dati pang isyu at ngayong napakabigat na suliranin sa mga guro dahil sa pagtaas ng bilihin. Hindi pa rin ito nalulutas kahit sinabi na ng Department of Budget and Management (DBM) na ito ay tataas sa taong 2020 na makikitang kahit ngayon na nasa taong 2023 ay ganoon pa rin naman ang sweldo ng mga guro [2]. Dahil dito ay kumukuha pa sila ng isa o dalawa pang trabaho para matustusan ang pangangailangan sa sarili, sa pamilya, at sa kanilang pagtuturo.


Ngayong nasa mundo tayo ng modernisasyon ay umuunti na rin ang mga mag-aaral na nagkakainteres sa pagtuturo sapagkat nalalamangan ito ng mga kursong may kinalaman sa teknolohiya. Nawawalan na ng atraksyon ang propesyong pang-edukasyon dahil na rin sa magiging estado ng isang indibidwal sa kanilang buhay sa pagtuturo kung mababa ang kanilang magiging sweldo. Kaya’t napakahalagang bigyan at paglaanan ng oras at panahon ang pagsasaayos ng sistema ng edukasyon hindi lang para sa mga mag-aaral kung hindi para na rin sa mga gurong walang sawang magbigay ng kaalaman at tulong sa mga kabataan na maabot ang ninanais na propesyon sa hinaharap.


Kaya kahit hindi buwan ng mga guro ay pagnilayan pa rin natin sila ng suportang kailangan upang ganap na mailabas at maisagawa ang kanilang mga talento at bokasyon nang sa gayon ay maging mas epektibo at mas maganyak silang magturo sa mga mag-aaral. Atin din silang pahalagahan dahil sa ngayon ay sila pa rin ang mga matatatag na guro na kahit gaano kababa ang sahod na makukuha sa pagtuturo ay ipinagpapatuloy pa rin nila dahil sa pagmamahal sa pagbibigay ng aral, gabay, at kamalayan sa atin. Tandaan din natin na ang mga guro ay hindi lamang humuhubog ng isipan, sila ang humuhubog ng buhay kaya atin silang pasalamatan dahil sa pagtuturo nila na hindi lang galing sa mga libro kung hindi na rin sa kanilang mga puso.


#


MGA SANGGUNIAN:

[1] UNESCO. (n.d.). World teacher's day. https://www.unesco.org/en/days/teachers

[2] PhilStar. (2018, January 21). Punto mo: Editoryal - Mga guro, nganga sa dagdag-sahod. https://www.philstar.com/.../editoryal-mga-guro-nganga-sa...

No comments:

Post a Comment