Friday, November 10, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Padaan” ni Ace Balangitan


Published by: Faith Villaluna

Date Published: November 10, 2023

Time Published: 10:40 AM


Kategorya: Maikling Kwento

Subject: Isyung panlipunan


Ang lakas ng hagulgol ni Savannah. Napaupo na lang siya sa papag na may nakapatong na banig at namilipit sa sakit. Napalakas ata 'yung tadyak ko sa lobo niyang tyan. Buntis si Savannah. Hindi naman niya ako kayang gantihan kaya pagtitiis at pag-iyak lang ang kaya niyang gawin. Hindi ko rin alam kung bakit siya umiyak sa pag sipa ko. Noong una nga, tuwang tuwa pa siya at ibinalita pa sa nanay niya ang pagtadyak ko sa tiyan niya. Hindi ko alam kung paano napalitan ng sakit ang dati niyang galak sa mga pagsipa ko. Mahigit walong buwan na niya akong pinagbubuntis.


Hindi ko naman sadya. Nabulabog kasi ako sa lakas ng pinatutugtog niyang kanta. Sino bang hindi maaasar kung ang gigising sa iyo ay “Baby ko si kulot” tapos full volume pa ang speaker. Naka-loop pa, walang patawad. Kaya ayun napatadyak ako sa inis.


Tsaka ang mga paborito ko kasing kanta ay ‘yung sa The Carpenters. Ayan ‘yung pinatutugtog ng kapit bahay naming matandang dalaga. Ang kuwento wala raw nagtatagal na lalaki dahil sa ugali. Halata naman. Masyadong matapobre ‘yang matandang ‘yan. Palaging may baong lait. Kahit laging nasa simbahan tuwing linggo, impakta pa rin. Nadayo pa sa ibang lugar para makapagsimba. Sobrang relihiyoso pero pinagtatanggol 'yung idol niyang magna. Move on na raw. Edi wow. Palibhasa ang source n'ya ay mga chismis din. At palaging nasa kalapit na subdivision ‘yan para mag-zumba. Hataw na hataw. Naka-full zumba outfit pa. Healthy living kahit agnas na ang ugali. Pagtapos ng zumba session niya, uuwi na tapos patutugtugin ‘yung radyo niya. Abot dito sa bahay ‘yung radyo kaya rinig ko. Dito kasi sa amin, magkakatabi ang mga bahay. Squatter area sa riles ng tren. Matagal nang walang dumadaan na tren dito. Nakabaon na rin kasi sa semento ‘yung riles.


Matagal na rin dito ang mga magulang ni Savannah. Dati silang nakatira sa probinsya. At gaya ng kuwento sa mga palabas sa TV, pumunta sila rito para magtrabaho at mag-asam ng mas maayos na buhay. Dito na rin lumaki si Savannah. Dito siya nagkamuwang, namulat, dito niya nakilala si Kenneth na kasintahan niya ngayon, at dito na rin nila ako nabuo. OFW ang nanay ni Kenneth. Helper sa Dubai. Kaya kahit sa squatter area nakatira, may second floor at aircon ang bahay. Dito kami sa bahay nila nakatira dahil mas komportable rito at sensitibo si Savannah. Hindi na bago rito ang mga bahay na may second floor. Marami na rin kasi talagang nag-iibang bansa para makaraos. Ano bang mapapala nila sa bansang ito? Gutom at pasakit. Hindi naman sila lalago sa lupang ito kaya mas piniling pagsilbihan ang mga dayuhan.


Swerte na rin ako kay Savannah at Kenneth dahil may maayos akong matutulugan kapag naire na ako sa sinapupunan ni Savannah—'di tulad ng iba na kapapanganak palang, parang pasan na ang mundo. Kaso wala pa silang trabaho. Dalaga at binatilyo pa lang sila. Academic achiever ‘yan si Savannah kaso wala, e. Nabuntis siya. Kailangang pangatawanan. Kailangan niyang maging nanay sa murang edad. Kaya lagi siyang umiiyak kasi wasak na ang pangarap niya. Wala siyang choice; wala namang safe at legal na aborsyon sa bansa.


'Yung nanay at tatay ni Savannah, halatang excited nang makita ang beauty ko. Nag-aya na silang bumili ng mga gamit ko. Parang mas excited pa ata sila kaysa kay Savannah, e? Noong una nga nilang nalaman na nagdadalang-tao si Savannah, muntikan nang mangbugbog 'yan ni lolo tapos ngayon tuwang-tuwa. Eme n'ya.


Ay, basta ako, excited na rin akong makita ang mundo sa labas ng maliit na globong ito, lalo na't kabuwanan na ni Savannah ngayon. Excited na akong masabihan na “Ang cute naman ng anak ninyo.” Excited na akong malaman kung sino yung kamukha ko. Excited na ako sa mga regalo ng ninong at ninang ko. Excited na akong makurot 'yung pisngi ko. At higit sa lahat, excited na akong madama 'yung alaga ng isang in—uy, ano yun!?


OMG! Nasa tricycle na pala sila Savannah papuntang hospital. Hindi ko na namalayan dahil nagmamaganda pa ako rito. Lalabas na ba ako!? Parang binalot ng kaba 'yung excitement ko, pero kaya ko ito! Namimilipit na sa sakit si Savannah. Buti nalang nandito si Kenneth para umalalay sa kanya.


Wait... Ba't huminto 'yung tricycle? False alarm ba? Anong meron? Ano 'yun, nagpa-gas pa si kuya driver kahit manganganak na pasahero n'ya?


“Boss, tigil lang po muna tayo dahil may dadaan pong VIP.”


“Ha!? Buntis itong pasahero ko!”


“Pasensya na po, boss. Trabaho lang po. Hindi po muna pwedeng dumaan dahil may VIP.”


Huy, ano 'yon!? Bakit ayaw nila kaming padaanin? Sinong feelingerang VIP naman 'yon? Be, manganganak na 'yung tao rito tapos ayaw ninyong magpadaan. Anong klaseng sistema ito? Kapag ako nakalabas, pepektusan ko 'yan! Ang kapal ng mukha!


Kuya, padaanin n'yo na kami, please lang oh. Ayaw kong maging chanak! Ayaw kong maging chanak! Dito na ba ako mamamatay? Paano na si Savannah? Nahihirapan na rin s'ya! Dito na ba kami mamamatay? Hindi, ayaw ko! Ayaw kong maging chanak! Bakit ganito? Bakit kailangang gipitin ang masa para sa ikabubuti ng iilan? Bakit ganito ang trato ng sistema sa amin? Ayaw kong maging chanak! Ayaw kong mamatay na chaka—

No comments:

Post a Comment