Ipinaskil ni: Alessandria Erich Alaso
Petsang Inilathala: Enero 23, 2024
Oras na Inilathala: 8:11 AM
Kategorya: Tula
Tema: Pamamaalam sa natapos ng pagmamahalan
Hindi ko alam kung saan ako magiging masaya.
Ang pakawalan ka upang makahinga at makalaya,
O manatili sa tabi mo at umasa ng paulit-ulit.
Bakit ganoon, palagi naman akong nasa tabi mo,
Tila bulag ang mga mata mo kapag ako ang nakikita.
Nakaukit pa rin sa isipan ko kung paano mo nagawang saktan
ang babaeng pinangakuan mo ng walang hanggan. Hindi kita sasaktan, Hindi kita
iiwan.
Paulit-ulit kong kinuwestyon halaga ko
noong tayo ay magtagpo—
Ngunit batid ko naman sa aking sarili.
Hindi naman ako ang kulang, sadyang hindi lang talaga
pwedeng maging ako lang.
Ang kaso, handa akong sisihin ang sarili ko
huwag lang mabahiran—
Pagsasamahan natin patuloy kong pinaglalaban.
Nakakaubos kang mahalin,
Nakakapagod kang habulin,
Ngunit para sa’yo, hayaan mo na at lilipas din.
Ang sabi, “Pangako, magbabago ako.”
Dekada na ata ang araw sa puso ko,
nabibigo na ako sa mga salita ko,
Hindi ko mawari, saan pa ba ako
kakapit sa mga kasinungalingan mo.
Narito pa ba ako? Sa akin ka pa? Teka—
“Naging akin ka ba?” tila pinahiram ka lang
sa’kin ng tadhana pansamantala.
Madilim na ulit ang kwento natin,
Dinala mo ang kulay ng larawang
pareho nating binuo nang ika’y lumisan,
tanda ko pa ang pakiramdam na pinapanood kang tumalikod
papunta sa kanya,
Sa pagtalikod mo, ako ay nanatili.
Sa paglamig ng mga salita mo, ako’y kumapit,
Kahapon ako pa, ngayon ay iba na.
Oras nga yata ay sobrang kay bilis.
No comments:
Post a Comment