Larawan ni Eric Aguirre
Inilathala ni: Dianna Grace Carina
Petsang Inilathala: Enero 09, 2024
Oras na Inilathala: 9:42 AM
Kategorya: Maikling kwento
Tema: Dinadamdam ang katahimikan
Maganda, malinis, maaliwalas, at higit sa lahat tahimik. Iilan lang ‘yan sa mga deskripsiyon na aking naiisip kapag pumapasok sa aking isipan ang lugar na aking pinanggalingan noong ako ay bata pa. Mahigit labing-tatlong taon na mula nang ako’y umuwi sa sintang paraiso at marami nang mga bagay na dati kong kinagisnan na ngayon ay halos ‘di ko na matandaan, tila simoy lang ng hangin ang pwede kong maalala dahil sa presko at malamig nitong katangian na malayong malayo sa lugar na aking tinitirhan ngayon. Pagkalipas ng maraming taon, nagkaroon ako ng pagkakataong makabalik sa aking lugar, at ng dahil doon ay hindi mabilang ang tuwa at sabik na aking nararamdaman habang papalapit ang aking pag-uwi sa sintang paraiso.
Sa araw ng aking paglisan, gamit ang de-makinang sasakyang panghimpapawid, nararamdaman ko na ako'y malapit na sa sintang paraiso dahil sa aking natatanaw na mga lugar na maraming puno, ‘di nagtagal ay maayos at tuluyan din akong nakauwi.
Malaking pagbabago ang aking nasilayan sa paligid, kasama na rito ang patuloy na pag-unlad ng lugar. Dumarami ang pamilihan, mga kabahayan at imprastraktura sa tabi ng daanan pero kasabay ng pag-unlad nito, napanatili naman ang natatanging ganda at yaman ng kalikasan. Dagdag pa rito, nasilayan ko rin ang matagal kong ‘di nakita habang noong ako'y nasa Maynila pa, ito ay ang mga bahay-kubo. Kasama na rin dito ang nagsikalatang mga alagang hayop sa daanan sakay-sakay ang kanilang mga amo. Ngunit mas lalo pa akong namangha sa malapitang tanawin ng kabundukan, at habang pinagmamasdan ko ang mga bagay na tunay na nagpaliligaya sa aking damdamin, ipinikit ko ang aking mga mata at taimtim na nagnilay-nilay. Kay saya pala talaga balikan ang lugar na pinanggalingan, hindi man ito ang karaniwang pangarap ng iilan, pero kung ako ang tatanungin, ito ay bukod tangi na aking hinihiling sa poong may kapal.

No comments:
Post a Comment