Inilathala ni: Katrina Sophia S. Eustaquio
Petsang Inilathala: January 8, 2024
Oras na Inilathala: 8:26 AM
Ngayong bagong taon, marami tayong hinahangad na pagbabago. Pagbabago sa ating sarili, sa mga gamit natin, sa mga taong nakapaligid sa atin at higit sa lahat—pagbabago sa sistema ng gobyerno. Lahat naman tayo naghahangad ng kaunlaran at pagbabago sa bayan. Ang PUV Modernization Program ay isa sa mga proyektong mangunguna sa modernisasyon ng mga sasakyang ginagamit sa transportasyon sa araw-araw. Wala namang masama sa adhikaing ito, makakatulong pa nga sa mga tsuper, komyuter, at lalong-lalo na sa inang kalikasan. Ngunit ang proseso sa pagkamit nito ay hindi madali—iyon ang sigaw ng mga tsuper.
Ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay isang proyekto na kung saan ay papalitan na ang mga lumang public utility vehicle sa makabagong transportasyon na nagbibigay ng kaginhawaan sa ating mga komyuter at para na rin sa ating kapaligiran [1]. Wala namang masama sa hangaring ito. Kung tutuusin ay sang-ayon ang lahat lalo na ang mga tsuper na lubos na maapektuhan nito kasi sino nga ba ang ayaw sa pagbabago ‘di ba? Ang tanging kahilingan lang nila ay suporta. Suportang manggagaling sa gobyerno sa pagtupad ng ganitong proyekto sapagkat aabot ng ₱1.3 hanggang ₱3 milyong pesos ang isang modernong jeepney [2]. Alam naman natin na kahit bente-kwatro oras na ang tsuper sa isang taong pamamasada ay hindi aabot sa kalahati ang kikitain nila. Paano na kaya ang kanilang pamilya na kailangang pakainin sa araw-araw? Ang mga bayarin sa tubig at ilaw? Hindi kakayanain ng kitang ₱300-₱400 ang pagbili ng modernong jeepney.
Noong 2017 ay dito nagsimula ang proyektong ito na kung saan ang mithiin ay palitan ang mga dyip ng mga sasakyang mayroong Euro 4-compliant engine. Ang engine na ito ay makakatulong sa pagbawas ng polusyon sa hangin at alisin ang mga dyip na kung saan ay hindi na umaabot sa pamantayan ng Land Transportation Office (LTO) [3]. Kung ang mithiin ng gobyerno ay ang pagpalit ng mga sasakyang pang-transportasyon, naisip ba nila ang magiging kalagayan ng mga tsuper sa proyektong kanilang isasagawa? Hindi ba’t ang mga drayber ang mismong magmamaneho nitong mga nasabing sasakyan at dapat sila talaga ang prayoridad sa ganitong mga bagay dahil sila ang lubos na maaapektuhan lalo na’t ito lang ang kanilang hanapbuhay. Marapat na ayusin muna ang sistema ng PUVMP na walang maiiwanang tao dahil kung ang hangad ay pagbabago, bakit may maiiwan?
Bilang isang estudyante na kung saan ang tanging transportasyon na ginagamit sa pagpasok sa paaralan ay ang jeepney, masasabi kong maganda ang programang ito dahil magiging ligtas ang byahe, mababawasan ang polusyong nalalanghap, at mas mainam sa mga tsuper ngunit mas magiging maganda pa ito kung ang proseso at sistema sa sinasabing pagbabago ay nakasaalang-alang rin sa mga drayber ng dyip. Kung uunahin muna ang kakayahan at badyet sa pagkamit ng ganitong kalaking proyektong ito at kapakanan ng mga tsuper na siyang nagdadala sa ating mga destinasyon, mas magiging kaaya-aya ang magiging resulta ng modernisasyon. Marami nang transport strike ang dumaan upang maparinig sa gobyerno ang sigaw ng mga tsuper at komyuter at sana ngayong bagong taon ay makinig na sila para na rin sa ikabubuti ng lahat.
MGA SANGGUNIAN:
[1] LTFRB. (n.d.). PUV modernization program.
https://ltfrb.gov.ph/puv-modernization-program/
[2] Rivas, R. (2023, December 14). Jeepney drivers fight Marcos’ ‘unjust’ modernization push as deadline nears. Rappler.
https://www.rappler.com/.../jeepney-drivers-fight-marcos.../
[3] Rita, J. (2024, January 1). Only 40% of NCR jeepneys consolidated for PUV modernization program —DOTr. GMA News Online.
https://www.gmanetwork.com/.../only-40-of-ncr.../story/...

No comments:
Post a Comment