Inilathala ni: Faith Villaluna
Petsang Inilathala: Pebrero 25, 2024
Oras na Inilathala: 6:45 PM
Simbolo ng katapangan at paninindigan ng lakas ng kamao ang ginugunita ng sambayanan tuwing sasapit ang ika-25 na araw ng Pebrero, ngunit isang mapait na katotohanan din ang naipapakita—katapangang binubusalan, na sa ngayon ay sinusubukang takpan.
Tatlumpu’t walong taon na mula noong pinatalsik ng mga mamamayang Pilipino ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ngunit dalawang taon na rin ang lumipas mula noong nakabalik sa MalacaΓ±ang si Ferdinand Marcos Jr [1].
Libo-libong Pilipino ang kabilang sa EDSA People Power Revolution na kung saan matagumpay na napatalsik sa pwesto si Marcos Sr. Naganap ito sa kadahilanang matindi at madugo ang naging pamamalakad ni Marcos.
Isinasagawa ang pag gunita ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution upang ang mga Pilipino ay hindi makalimot sa totoong nangyari sa kasaysayan ng ating bansa. Para rin alalahanin ang mga mahahalagang aral mula sa nakaraan na dapat hinding-hindi kalimutan upang hindi na muli malinlang at apak-apakan ng kung sino man.
Ngunit dalawang taon na rin nga mula noong nakabalik sa pwesto ang pamilyang Marcos. Lumalaganap na muli ang ‘political dynasty’ mula sa kanilang pamilya at lumalaganap ding muli ang mga maling impormasyon tungkol sa nakaraan at mapapaisip ka minsan na tila ba ito ay gustong palitan.
Sinisimbolo ng EDSA People Power Revolution ang katapangan na nag bigay ng panibagong buhay sa Pilipinas. Ngunit sa panahon ngayon, tulad sa aking karanasan, dahil lamang sa aking pakikiisa at pagbibigay boses tungkol sa isang bagay, naranasan kong matawag bilang isang ‘NPA’ o ‘Rebelde’. Isa itong matinding paratang na kung saan ay hindi naman totoo—sadyang tinatawag lamang na ‘NPA’ kaagad kung ikaw ay tumitindig.
Sa isang tagpo naman na na kwento sa akin ng aking kaibigan, naranasan nila di umano ang pagtatanong ng mga pulis sa loob ng pampublikong transportasyon na kung mayroon bang kabilang sa NPA na naroroon. Nangyari ito sa gitna ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Sila ba ay naalarma o nagiging kaswal na lamang ang pagtawag sa mga taong nasa oposisyon bilang isang NPA?
Karapatan ng isang mamamayang Pilipino na ipaglaban ang kan'yang bansa. Kailanman ay hindi ito masama at hindi dapat ikahiya. Nawa’y manaig sa dugo nating mga Pilipino ang pagiging matapang at hindi pagpayag na tayo ay paratangan ng mga mali o apak-apakan. Ang pagmamahal sa bayan ay hindi sumisimbolo sa pagiging isang rebelde—ito ay sumisimbolo bilang isang makabayan.
Ang pag tindig, paglaban sa maling impormasyon at pagbibigay boses ay ang mga bagay na dapat ginagawa ng mga Pilipino. Kagaya ng mga ninuno natin, sila’y lumaban sa gitna ng EDSA, nawa’y maging matapang din tayo at manindigan. Kailanman tayong mga Pilipino ay hindi dapat magpapasiil sa mga manlulupig.
SANGGUNIAN:
[1] Cruz, J.P. (2024, February 25). 38 years after EDSA People Power Revolt: Marcos political dynasty is well-entrenched. Rappler. https://www.rappler.com/.../marcos-political-dynasty-2024/
No comments:
Post a Comment