Larawan ni Jill Dolfo
Inilathala ni: Ayanna Jeane Salmorin
Petsa Inilathala: Mayo 06, 2024
Oras na Inilathala: 8:29 AM
Kategorya: Tula
Tema: Pagmamahal sa nanay
Hindi ko hiniling,
Pero ipinagkaloob.
Bagay na higit-higit
mula sa unang taong bumitbit.
Sino ka ba?
at bakit ka naluluha?
minsa'y natutuwa,
at magagalit maya-maya.
Hindi ka rin mapakali—
kapag 'di ako nakikita.
Ibinibigay mo rin ang lahat,
kahit hindi ko hinahangad.
Sino ka ba?
At palagi kang nariyan—
Sa aking tabi,
at yumayakap sa bawat sandali.
Sino ka ba?
Ang tanong, mula sa isip
na paulit-ulit. Pero—
sino ka nga ba talaga?
Kilala talaga kita,
dahil sa'yong mga mata
Sa haplos ng 'yong kamay
at sa boses na malumanay.
Kilala talaga kita,
dahil sa pagmamahal mo—
na walang katumbas
At sa awa mong 'di kumukupas.
Ikaw ang unang bumitbit,
at unang nagmahal.
Unang nagalit—
at unang lumuha.
Nariyan ka palagi,
Sa aking piling.
Sa bawat sandali,
Ikaw ang aking pipiliin.
Mahal na mahal kita,
bagay na higit pa
sa ginto at pilak.
Hindi 'to magbabago
Dahil ikaw ang unang bumuo.
Kaya sa ilaw ng dilim
Ikaw ang nagbigay ng liwanag
na hindi mapupundi.
Kaya sa isang salita,
na binubuo ng apat na letra
na may dalawang pantig,
At isang kahulugan.
Ito ang unang salita,
Na aking nabanggit—
Nagsimula letrang "M"
at nagtapos— sa letrang "A".
Ito ang aking mama
ang nagpalaki sa isang bata
Nagbigay buhay,
at nag-aruga—
Kaya sa isang banda,
ito ay magsasaad
at patuloy na magpapakita
na mahal na mahal kita, aking mama.
No comments:
Post a Comment