Inilathala ni: Clarence Pasco
Petsang Inilathala: May 06, 2024
Oras na Inilathala: 8:21 AM
Petsang Inilathala: May 06, 2024
Oras na Inilathala: 8:21 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Paghahangad na mapakinggan
Sa ika-pitong pagkakataon ay tumigas ang palara ng gasera. Ang apoy ay tila naghahanap ng upos— hindi pala inabot ng kinsenas ang gaas. Ang pawis ay muling napunta sa hapag; sinabawan ang kamoteng dinagsa ng libo-libong alikabok, at ang mga platito’y halos hindi mapuno ng butil ng kanin. Marahil sa susunod ay maaari na.
Talamak na naman ang paglawig ng mga tao sa pagkilos upang patagin ang baku-bakong daanan. Burado na iyong mga malilit na letra sa ibang plaka, ngunit hindi ang kapital. Yaong mga aurikulo’y bugbog sa ngawngaw ng gutom na musmos, subalit hindi pa rin sapat ang malakas na hapis at pagmamakaawa sa estapang bulag— hindi nito makita ang kahirapan.
Ang pagtama ng sikat ng araw sa paralelismong bangko ay tila balang ikinasa— wari’y domino ang naging pagsangga, hindi para maging alipugha ang mga ito. Ang paghulog ng bawat barya ay premonisyon ng pagpreno sa gitna ng disyerto. Sa ika-tatlumpung araw ay muli sanang gumalaw ang manibela at kayanin ng mekanikong paikutin ang gulong.
Sapagkat mahirap puksain ang tampalasang tuta, dahil ang manahimik ay kawalan, at ang magsalita pagtanggap ng sakit na lubusan.
No comments:
Post a Comment