Inilatlaha ni: Sarah Belamide
Mga kuha ni: Trisha Limpiahoy
Petsang inilatlaha: Septiyembre 14, 2024
Oras na Inilatlaha: 2:00 PM
Ipinroklamang kampeon ang Accountancy, Business, and Management (ABM) istrand sa Sabayang Pagbigkas noong ika-9 ng Setyembre, na ginanap sa Danilo V. Ayap na Himnasyo, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Ibinigay ang unang parangal sa Home Economics (HE) istrand, bilang pagkilala sa kanilang kahusayan at dedikasyon sa kanilang larangan at ang ikalawang parangal naman ay ipinagkaloob sa General Academics Strand (GAS), na hindi rin nagpahuli sa pagpapamalas ng kanilang galing at talento.
Sinimulan ni Gng. Mylyn Vallejo, PhD, ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanyang makabuluhang mensahe para sa lahat ng mag-aaral. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggamit at pangangalaga sa ating sariling wika bilang simbolo ng ating kultura at kasaysayan.
Naging matagumpay ang kanilang pagtatanghal ng ABM mula sa walang sawang tulong at gabay nina Bb. Janice Caceres at G. Alfred Paler Jr. Ang kanilang mga tagubilin at inspirasyon ang nagsilbing sandigan ng bawat kalahok upang maipamalas ang pinakamahusay na pagganap sa entablado na naging daan sa kanilang tagumpay.
Ang programa ay nagdala ng isang masigla at masigabong pagsasama ng mga estudyante mula sa iba’t ibang istrand na nagbigay buhay at selebrasyon sa pagtatapos ng mga patimpalak sa Buwan ng Wika 2024 na may temang “Filipino: Wikang Mapagpalaya." Gayunpaman, sa bawat pagtatanghal, ipinamalas ng mga estudyante ang kanilang husay sa entablado.
No comments:
Post a Comment