Inilathala ni: Xenon Linsie Espeleta
Petsang inilathala: Setyembre 21, 2024
Oras inilathala: 1:06 PM
Kategorya: Prosa
Paksa: Pagbabalik-tanaw sa nakaraan
Araw ng Linggo at magtatanghali na nang maisipan kong linisin ang isa sa mga silid na naging sikhay ng aking nakaraan. Hindi mawaring emosyon ang naramdaman dulot sa pagkagitlang nadatnan ko sa nag-aabong ihip ng hangin na naghahalong pino at buo-buong nagkalat sa pagbukas ng pinto. Dungaw naman sa akin ang mga materyal na muling naglahad sa mga alaala ng nakaraan na ngayon ay tuluyang nababalot ng mga butil na kulay abo. Masid kong nilibot ng paningin ang paligid habang sambit sa sarili ng.. "Makakayanan ko pa kaya itong linisin?"
Handa at hawak ko na ang mga panglinis na aking gagamitin ngunit nanatili pa ring nakapako ang aking mga paa sa aking kinalalagyan sapagkat hindi ko mawari kung paano ko ito sisimulan. Siguro nga dapat ay hindi nalang ako nagtungo rito sa silid na ito at sana piniling magsimula na lamang ng panibagong papanooring teleserye o magliwaliw. Maaaring pagkalito ko lamang sa kung alin, saan, at anong uunahin ang dahilan kung bakit hindi ako makapagsimula sa paglilinis. Sana nga iyon lamang ang dahilan sapagkat kasabay nito ang pagkalito rin ng aking lumuluhang mga mata sa hindi pagtukoy kung dahil nga ba sa mga dumapong alikabok ang dahilan o dahil sa aninag ng bakas ng mga larawan ng aking pagkabata habang tanaw ang mga bagay na ngayo’y nasa harapan ko’t naluluma.
Kalaunan, sinimulan ko ang paglilinis sa bintana para kahit papaano ay dadaloy ang sariwang hangin sa kwartong alikabok ang sulok-sulok. Sunod-sunod na pagbahing ang ginawa habang winawalisan ang mga parte-parte na kulay abo nang mapukaw ng aking mga mata ang isang bagay na pinangarap ko dati na magkaroon— gitara. Katabi naman nito ang mga patong-patong na mga librong pantasya na makailang beses nang binasa, mga laruan at stuff toy na aking nalalaro lamang sa t’wing hindi pinapayagang maglaro sa katirikan ng araw, at pati na rin ang medalyang nagtutunugan, naghihintay na ito’y hawakan kong muli.
Nahinto muli ang aking pagtuon sa gawain nang sumagi sa isipan ang mga tanong at maaaring isipin ng aking nakababatang sarili sa pagpaspas ng mga dumi sa mga gamit. Ano kayang iisipin niya kung sakaling ang gitarang pinag-ipunan niya sa kanyang kaarawan ay hindi na muling nagamit at pati na rin ang may-ari mismo ay siyang nawalan ng kakayahang tumugtog? Ano kaya ang magiging reaksyon ng batang babae kapag nalaman niya na ang mga maiikling tula at prosa na kanyang isinulat patungkol sa pag-amin sa napupusuan, kalaunan ay nalimutang ilahad at iniipit na lamang sa pagitan ng tumpok ng mga libro? Ano kaya ang kanyang iisipin na hindi na stuff toy ang yakap-yakap at kanlungan sa mga oras na nilalamon ng kalungkutan? At higit sa lahat, paano kaya kung kaniyang hindi inilaan ang mga oras ng libangan sa saradong silid, habol-habol ang mga medalya?
Mapupuno kaya siya ng pagkadismaya? Inis? Panghihinayang? Habang ipinipinta ko ang reaksyon ng aking pagkabata, kasabay nito ang halo-halong nararamdaman sa kadahilanang ngayon ko lamang binuksan muli ang silid na kay tagal nang naghihintay sa akin. Sa kabila ng nararamdaman, bahagya naman akong natuwa dahil hindi ko man mababago ang nakaraan, naging tulay naman ito ngayon sa aking pagkakakilanlan.
Nang mapagtantong magdidilim, agarang pagpupunas at walis ang ikinilos habang nagpapakawala ng mga mabibigat na paghinga. Sa ilang oras na paglilinis, masasabi kong malaya na ang silid sa mga alikabok na naghahadlang masilayan muli at kasabay nito ang paglaya at pagtanggap sa gulimlim ng nakaraan. Sa pagsara ng pinto, muli kong masasabi na, “Nakaya kong likumin ang mga pira-pirasong bahagi ng nakaraan”.
No comments:
Post a Comment