Inilatlaha ni: Haniyah Macadaag
Petsang inilatlaha: Setyembre 17, 2024
Oras inilatlaha: 9:16 AM
Kategorya: Prosa
Paksa: Importansya ng buhay at kaibigan
Hindi mawala sa aking isipan—mga salitang iyong binitiwan, “Salamat dahil nabuhay ka sa mundong ito”. Ordinaryong mga salita ngunit hinding hindi ko ‘yan malilimutan.
Madalas akong mangamba sa kung ano ba ang halaga ko, madalas kong kwestyunin ang buhay na mayroon ako. Ngunit nandiyan ka, kaibigan ko. Pinaalala mo kung sino ako. Ako ay anak ng kung sino, kapatid at kadugo ng kung sino, at nandirito dahil mayroong taong nagagalak sa pag-iral ko.
Sa mga sinabi mo, ako'y mayroong napagtanto. Ako pala'y isa lamang tao, nagkakamali at madalas mawalan ng tiwala sa sarili. Kaibigan ko, ang buhay ay pilit kong inuunawa. Gustuhin ko mang takbuhan ito, ngunit hindi ko magawa. Hindi ko ginustong isilang at magkaroon ng pang-unawa, ngunit kailangan ko ito–sapagkat ito ang instrumento upang maunawaan ang reyalidad sa paligid ko.
Kaibigan, kapag dumating ang araw na mawawala na ako, nais kitang pasalamatan. Kapag naramdaman ko na ang presensya ni kamatayan, sana ako'y iyong tabihan. Hawakan mo ang aking mga kamay. Samahan mo ako hanggang sa huling hininga ko at malugod kong tatanggapin na hanggang dito na lang ako.
Dala-dala ko ang memorya at mga aral na natutunan ko. At masaya akong kasama kita rito. Salamat, kaibigan ko, sa ating pinagsamahan, mga kulitan at ‘di pagkaka-unawaan. Dadalhin ko ito hanggang kamatayan, pangako hinding-hindi kita malilimutan.
No comments:
Post a Comment