Dibuho ni: Shekinah Samantha Olajide
Inilathala ni: Jean Ashley Lugod
Petsang Inilathala: Nobyember 18, 2024
Oras na Inilathala: 6:32 PM
Ang Pilipinas ay kilala bilang isang bansa na madalas tamaan ng mga bagyo at iba pang kalamidad dahil sa kinaroroonan nito. Dahil napapalibutan tayo ng mga anyong tubig, lalong tumitindi ang epekto ng bagyo at lumalakas ang pag-ulan na nagsasanhi ng matinding pagbaha na nakakaapekto sa milyon-milyong tao. Maraming kabuhayan, imprastruktura, at tahanang nasisira dahil dito. Bilang solusyon sa problemang ito, nagsagawa ng plano ang pamahalaan at naglaan ng malaking pondo upang pahupain at mabawasan ang epekto ng pagbaha. Isa na rito ang Flood Control Project. Ngunit ang tanong, tama nga ba ang alokasyon ng pondo para sa flood control projects? Bakit tila walang pagbabago sa sitwasyon ng mga tao tuwing bumabaha?
Sa taong 2024, umabot sa P255 bilyon ang nalikom ng DPWH (Department of Public Works and Highways) para sa flood control project mula sa kabuuang P5.768 trillion National Budget. [1] Nakakapagtaka na kahit ganon kalaki ang pondong inilaan para sa pagpapatupad ng proyekto, marami pa ring Pilipino ang naapektuhan sa pagdagsa ng baha.
Ang flood control ay isang proyekto na naglalayong pahupain at bawasan ang epekto ng baha. Gayunpaman, tila hindi ito epektibo. Mula nang ipatupad ang proyektong ito, wala namang nagbago. Mas lumalala lang ang kalagayan ng mga Pilipino at ang sitwasyon ng mga lugar sa tuwing nasasalanta tayo ng bagyo.
Isang halimbawa na rito ay ang naging epekto ng bagyong Carina, kung saan maraming bahay ang nasalanta. Dahil dito, inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na magkakaroon ng masusing pagbusisi sa masterplan na inilatag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control project. Bukod dito, layunin nito na suriin kung epektibo nga ba ang proyekto at tiyakin na ang badyet na inilaan ay napupunta at nagagamit sa wastong paraan. [2] Hindi ba't dapat noong una pa lang, sinisigurado na ng mga awtoridad na ang perang inilaan para sa flood control projects ay ginagamit sa tamang paraan at hindi napupunta sa bulsa ng mga kurakot na pulitiko? Dapat magkaroon ng transparency at maipakita nila ang magandang resulta ng kanilang proyekto upang makasigurado ang mga mamamayan na nagagamit nang tama ang kanilang buwis, at mapanatag ang kanilang loob na nasa tamang kamay ang pera ng bayan. Hindi sapat na maglaan lamang ng pondo para sa proyektong ito—kailangan ng mga mamamayan na may makitang aksyon at may maramdaman na pagbabago.
Ilang bagyo na ang nagdaan, ngunit tila walang naitulong ang proyektong ito. Isang pangyayaring makapagpapatunay rito ay ang sitwasyon sa Bicol matapos masalanta ng bagyong Kristine. Mahigit 133 bahay ang nasira, at tinatayang 168 pambansa at lokal na kalsada at tulay ang naapektuhan. [3] Ipinapakita lamang nito na sa kabila ng malaking pondong nakalaan para sa flood control project, gano'n naman kaliit ang naging benepisyo nito. Para saan pa ang inilaan na budget kung wala namang pag-unlad na nagaganap? Para lang silang nagtapon ng pera sa isang bagay na hindi naman napapakinabangan. Sa halip na makatulong at mabawasan ang suliranin ng bansa, tila lalo pa itong nakadagdag sa problema.
Ang patuloy na pagkakaroon ng malubhang pagbaha sa kabila ng pondong inilaan, batay sa mga nakaraang bagyo, ay patunay lamang na may kakulangan sa pamamahala at implementasyon ng proyektong ito. Dapat na maghanap o magpatupad pa ng mas makabago at angkop na solusyon na napatunayan nang epektibo sa ibang bansa. Hangga't walang epektibong proyekto laban sa pagbaha at iba pang dulot ng bagyo, masasayang lamang ang bawat pondo, tiyaga, at sakripisyong inilalaan dito. Hindi sapat ang pagiging matatag ng mga Pilipino upang malagpasan ang problemang ito, dahil hindi sa lahat ng oras ay kaya nating magpakatatag at magpakatapang. Kahit kaya nating bumangon ulit, hindi matatapos ang problema kung mananatili tayong nakadepende sa pansamantalang solusyon. Ang kailangan natin ay isang praktikal, pangmatagalan, at epektibong solusyon—hindi lamang sa pagbaha, kundi sa lahat ng problemang kinakaharap ng ating bansa. ‘Wag nating sayangin ang kaban ng bayan, dahil ito ay dapat na pinahahalagahan. Dapat pang paigtingin ang pagkakaroon ng transparency at siguraduhing epektibo ang bawat proyektong ipinapatupad sa ating bansa. Isipin natin ang bawat tao o pamilyang naapektuhan ng bagyo. Ano ang magiging kinabukasan at kalagayan nila? Hahayaan na lang ba natin silang manatili sa ganoong sitwasyon? Kung hindi natin isusulong ang pagbabago, sino ang gagawa nito? Nasa atin at sa pamamahala ng gobyerno magsisimula ang pagbabago. Magtulong-tulong at sama-sama tayo tungo sa mas pinabuti at makabagong mundo.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Bordey, H. (2024, July 25). ‘San napunta ‘yung pera?’: Senators question flood control projects amid billions of annual budgets. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/.../san-napunta-yung.../story/
[2] Cantos, J. (2024, July 28). Flood control budget bubusisiin ng Kamara. Philstar.com. https://www.philstar.com/.../flood-control-budget...
[3] 2 dead, 5 missing due to “Kristine” in Bicol. (n.d.). Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/...//www.pna.gov.ph/articles/1236237
No comments:
Post a Comment