Published by: Kristine Joyce Soriano
Date Published: February 18, 2025
Time Published: 10:53 AM
Nagbuga ng abo nang pitong beses ang Bulkang Kanlaon sa loob ng 24 oras noong ika-1 ng Pebrero, 2025, ayon sa 𝘗𝘩𝘪𝘭𝘪𝘱𝘱𝘪𝘯𝘦 𝘐𝘯𝘴𝘵𝘪𝘵𝘶𝘵𝘦 𝘰𝘧 𝘝𝘰𝘭𝘤𝘢𝘯𝘰𝘭𝘰𝘨𝘺 𝘢𝘯𝘥 𝘚𝘦𝘪𝘴𝘮𝘰𝘭𝘰𝘨𝘺 (𝘗𝘏𝘐𝘝𝘖𝘓𝘊𝘚).
Kasabay nito, naitala rin ang 11 pagyanig sa paligid ng bulkan, kabilang ang pitong pagyanig ng bulkan na tumagal mula 17 hanggang 100 minuto bawat isa.
Ayon sa ulat ng PHIVOLCS, umabot sa 3,994 tonelada ng 𝘴𝘶𝘭𝘧𝘶𝘳 𝘥𝘪𝘰𝘹𝘪𝘥𝘦 (𝘚𝘖) ang inilabas ng bulkan, na nagdulot ng maitim na usok na pumailanglang hanggang 150 metro. Tinangay ito ng hangin patungong timog-kanluran, dahilan ng paglaganap ng abo sa ilang kalapit na lugar.
Patuloy namang namamaga ang estruktura ng Kanlaon, indikasyon ng patuloy na aktibidad nito. Ang paglobo ng estrukturang ito ay maaaring magpahiwatig ng patuloy na pag-akyat ng magma, na posibleng humantong sa isang pagsabog.
Dahil dito, nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon, na nangangahulugang may 𝘮𝘢𝘨𝘮𝘢𝘵𝘪𝘤 𝘶𝘯𝘳𝘦𝘴𝘵, o ang patuloy na paggalaw at pag-akyat ng magma na maaaring magdulot ng pagsabog.
Pinapayuhan ang mga residente na iwasan ang anim na kilometrong 𝘥𝘢𝘯𝘨𝘦𝘳 𝘻𝘰𝘯𝘦 sa paligid ng bulkan upang maiwasan ang panganib mula sa posibleng pagsabog at pagguho ng bato.
Bukod sa pagbuga ng abo, maaari ring makaranas ng maiinit at mabilis na agos ng abo at bato mula sa bulkan, pag-ulan ng abo, at lahar lalo na kung may malalakas na pag-ulan. Pinapayuhan din ang publiko na magsuot ng face mask upang maiwasan ang masamang epekto ng abo sa kalusugan.
Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan. Ang abo at volcanic gases ay maaaring makapinsala sa mga eroplano at magdulot ng malubhang epekto sa kaligtasan ng himpapawid.
Matatandaang noong ika-9 ng Disyembre 2024, sumabog ang Bulkang Kanlaon, na nagdulot ng makapal na usok na umabot sa taas na 3,000 metro. Dahil dito, itinaas ng PHIVOLCS ang alert level mula 2 patungong 3 bilang tugon sa patuloy na aktibidad ng bulkan.
Patuloy ang pagbabantay ng 𝘗𝘏𝘐𝘝𝘖𝘓𝘊𝘚 sa aktibidad ng Kanlaon. Pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagbantay, makinig sa opisyal na abiso, at maging handa sa anumang posibleng paglikas upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Dela Cruz, A. (2024, ika-10 ng Disyembre). Bulkang Kanlaon sumabog, alert level. Philstar.
[2] GMA Integrated News
(2025, ika-21 ng Enero).
Kanlaon Volcano
rocked by 12 earthquakes.
[3] GMA Integrated News.
(2025, ika-1 ng Pebrero).
Kanlaon emitted ash
7 times in 24 hours.
PHIVOLCS.
No comments:
Post a Comment