Inilathala ni: Michelle Piquero
Petsang Inilathala: Pebrero 18, 2025
Oras na Inilathala: 9:15 AM
Ang mga manggagawang Pilipino ay may malaking papel na ginagampanan sa ating bansa. Mula sa pagiging janitors, construction workers, at drivers na gumagamit ng lakas ng katawan, hanggang sa guro, nars, at manedyer na mas ginagamit ang mental na kaisipan. Maging ano man ang hanap-buhay, ang bawat manggagawang Pilipino ay may karapatan na makatanggap ng pantay-pantay at sapat na sweldo. Ngunit hanggang kailan ba magtitiis ang mga manggagawang Pilipino sa kakarampot na umento mula sa gobyerno?
Nitong ika-30 ng Enero lamang, inaprubahan na ng House Committee on Labor and Employment ang panukalang ₱200 across-the-board daily wage hike para mga manggagawa at empleyado sa pribadong sektor. [1] Ang legislative wage hike na ito ay dumaan sa apat na pagdinig sa loob ng mahigit walong buwan sapagkat kinakailangan pang suriin ang panig ng iba’t ibang hanay kabilang na ang mga investor, employer, at ang gobyerno kaya naman isang malaking hakbang ito patungo sa pagsulong ng karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Kapag mapagpatibay ito bilang batas, mabibigyang pansin nito ang mga manggagawa sa maliit, at pribadong negosyo. Sa pamamagitan ng paglaan ng tamang sahod, mas magpupursigi ang mga manggagawa na magsumikap dahil alam nila na may magandang bunga ang kanilang pagtutok sa trabaho. Bukod dito, may positibong epekto rin ito sa ating ekonomiya, partikular na sa pagbawas ng kahirapan at pagkonsumo ng mga mamamayan sa mga produkto at serbisyo. Kasabay nito ay ang paglago rin ng sari-saring industriya dahil mas marami ang magiging interesado na mag-apply sa kung saan ay may mataas na sahod para sa mga manggagawa.
Bagamat nakapasa na ang panukalang batas na ito sa komite ng kamara, hindi pa rin agad matitiyak na maipapatupad ito dahil kinakailangan pa rin nitong maaprubahan ng ikalawa at ikatlong pagbasa sa kamara. Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas mula nang ipinatupad ang huling legislated wage increase kaya naman hindi na dapat ipinagdadamot pa ang halagang ₱200 sa mga manggagawa dahil kung tutuusin, lubos na kulang ang ₱645 na minimum wage na natatanggap ng mga manggagawa sa Metro Manila. Ayon sa isang opisyal na pagsusuri ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2023, ang pamilya sa NCR na may limang myembro ay kinakailangan ng 15,713 kada buwan para hindi maituring na mahirap. [2] Kung sa pagkain pa lamang ay hindi na ito sapat, paano pa kaya makakapaglaan ang isang pamilya para sa ibang pangangailangan?
Isang karera kontra sa oras ang pagpasa sa panukalang batas sapagkat maraming manggagawang Pilipino ang umaasa na maipasa ang legislative wage hike bago matapos ang 19th Congress sa Hulyo. Binigyang-diin ni Rep. Democrito Raymond Mendoza, isa sa mga nagsusulong sa panukalang batas, na isertipiko dapat ng Pangulo bilang urgent ang batas dahil sa mahigpit na timeline. [3] Ngayon na nagkaroon ng progreso ang usaping taas-sahod ng mga manggagawa, kailangan na gawing prayoridad ang bill na ito sapagkat matagal na itong ipinaglalaban ng ating mga kababayan.
Sa patuloy na pagbilis ng inflation, mahalaga na bigyang pansin ang hinaing ng mga manggagawang Pilipino na patuloy na kumakayod ngunit hindi nabibigyan ng sapat na sahod. Kung lumulobo ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, dapat pataasin na rin ang sahod ng mga mamamayan na ang tanging hangad ay matustusan ang pangangailan ng kanilang pamilya. Ang kasalukuyang antas ng minimum na sahod sa ating bansa ay lubos na malayo pa sa nararapat na suweldo para sa mga manggagawang Pilipino kaya patuloy nating pagtibayin ang kolektibong laban para sa itaguyod ang nararapat sa kanila. Ang kapangyarihan ng mga manggagawa tungo sa makatarungang sahod ay nasa ating pagkakaisa kaya naman sa kasalukuyang sistema, huwag nating hayaan na mapag-iwanan ang mga manggagawang Pilipino na pangunahing dahilan kung bakit umaasenso ang ating industriya at ekonomiya.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Cervantes, F. M. (2025, January 30). P200 daily minimum wage hike hurdles House Panel. Philippine News Agency.
https://www.pna.gov.ph/articles/1242966
[2] BusinessWorld. (2024, August 16). Filipino households’ average annual income up 15% in 2023. BusinessWorld Online.
https://www.bworldonline.com/.../filipino-households.../
[3] Gulla, V. (2025, January 30). House panel OKs bill seeking legislated P200 across-the-board daily wage hike. ABS-CBN News.
https://www.abs-cbn.com/.../house-panel-oks-bill-seeking...
No comments:
Post a Comment