Disenyo ni: John Maclen Dolor
Inilathala ni: John David ViΓ±as
Petsang Inilathala: Pebrero 3, 2025
Oras na Inilathala: 6:07PM
Maraming pagbabago ang nagaganap dala ng panahon. Kasama na rito ang ating paraan ng pananalita at pakikipag-usap sa kapwa. Isa sa mga huwaran na nagdulot ng pagbabago sa aspetong ito ay ang paglitaw ng gay lingo o kilala rin bilang Bekimon.
Knows mo ba ang mga salitang charot, mudra at baboosh? Ito ay mga halimbawa ng gay lingo na madalas gamitin sa ating bansa. Naririnig ang mga ito sa mga impormal na usapan sa pagitan ng mga magkakaibigan, pamilya, at iba pa. Sa kasalukuyang panahon, normal na ang paggamit nito sa ating lipunan at masasabing bahagi na ito ng ating pang-araw-araw na komunikasyon.
Ang pagkasangkot ng gay lingo sa ating pananalita ay nakapagbibigay ng aliw at saya dulot ng kakaiba at pagkamapagpatawang katangian nito. Malawak ang naging impluwensiya nito sa mga Pilipino, lalo na nang tuluyan itong lumaganap. Kaya naman, gorabells na at tunghayan natin ang mga salik na naka-apekto sa pagsikat ng gay lingo at ang papel nito sa ating sosyedad.
ANG MAKULAY NA ESENSYA NG GAY LINGO
Bago ang lahat, anetch nga ba ang gay lingo? Ang gay lingo ay mga salitang balbal na may kinalaman sa pagpapalit o pagbibigay ng bagong kahulugan sa mga salita. Nabubuo ang mga ito sa malikhaing paraan at nagpapakita ng malayang paglalaro sa mga salita. Dahil dito, mayroong ilang termino sa gay lingo ang nangangailangan ng malalim na pag-unawa. Halimbawa nito ay ang salitang “portuguesa”. Nangangahulugang lesbian, ito ay hango sa kapital ng bansang Portugal na Lisbon na may magkalapit na pagbigkas sa salitang lesbian [1].
Bagamat umiikot lamang ang gay lingo sa mapaglarong pagdadagdag ng pantig at pag-iiba ng mga kahulugan ng salita, epektibo pa rin itong nakapagbibigay ng kulay sa ating pananalita. Binubuhay nito ang mga kaswal na usapan at mas napasisigla ang mga konbersasyon.
Maliban sa lingguwistikong impluwensiya ng gay lingo, ito rin ay nagsisilbing tulay tungo sa inklusyon para sa mga miyembro ng LGBTQIA+. Nakatulong ang gay lingo sa pagtaguyod ng koneksyon at sa pagpapahayag ng pagkakakilanlan ng mga LGBTQIA+ [2]. Nakilala rin sila dahil sa uri ng pananalita na ito at nagresulta sa pagtanggap ng lipunan sa mga miyembro ng nasabing komunidad. Hindi magpapakabog ang gay lingo pagdating sa kontribusyon nito sa pananalita at sa ating lipunan.
TUNGKULIN NG MIDYA SA PAG-USBONG NG GAY LINGO
Isa sa mga dahilan kung bakit naging mabilis ang paglaganap ng gay lingo ay ang pagdaloy nito sa midya. Sa pamamagitan ng mga social media platforms tulad ng Facebook, kumalat ang mga bidyo at posts tungkol dito. Sa tulong din ng mga pelikula at balita, mas naging tanyag ang gay lingo at nakuha ang atensyon ng mga tao [3].
Halimbawa, noong taong 2011, ang kilalang pelikula na pinamagatang “The Unkabogable Praybeyt Benjamin” ay kinakitaan ng gay lingo hindi lamang sa pamagat nito kundi pati na rin sa ibang bahagi ng diyalogo ng pelikula. Patunay nito ang linya ni Derek Ramsay na “Sinetch itech na jundalo na baklush pala?” [4].
Samantala, sa kasalukuyan, umiiral naman ang gay lingo dahil sa mga Tiktok influencers tulad nina Mark Oliveros o kilala bilang Yes Na Yes For You at si Ruzzel Juanillo na may username na “Charizzzz!”. Nagbigay aliw sa manonood ang perpuk na tambalang ito dahil sa kanilang kakaibang pananalita.
EPEKTO NG GAY LINGO SA KOMUNIKASYON
Sa mga pangkatuwaang pag-uusap, wiz na nawawala ang pagsama ng mga terminong galing sa gay lingo. Tuwing may biruan, nariyan ang salitang “charot” bilang pamalit sa “biro lang”. Gayundin, kahit sa mga simpleng pagtanong tulad ng “ano?” at “sino?” ay may kalakip na salita sa gay lingo na “anetch?” at “sinetch?”. Sa katunayan, ang paggamit nito ay naging kasanayan na, imbes na para sa kasiyahan lamang.
Ang tindi ng epekto ng gay lingo ay masusukat sa dami ng gumagamit nito. Maging kyota man o thunder cats, artista o politiko—-halos lahat ay pamilyar sa mga salita ng Bekimon. Ito ay bunga ng pagiging parte nito ng ating pang-araw-araw na komunikasyon. Maaari itong gamitin sa paglalahad ng saloobin, pagpapatawa, pagpapalitan ng mensahe, paglalahad ng kwento, at marami pang iba.
ANG IMPLUWENSIYA NG GAY LINGO SA LIPUNAN
Bago pa man ito naging patok sa masa, unang ginamit ng mga LGBTQIA+ ang gay lingo bilang proteksyon sa kanilang sarili pagdating sa lengguwahe [5]. Ipinapahiwatig lamang nito na naging bahagi ang gay lingo sa proseso ng unti-unting pagtanggap ng lipunan sa mga LGBTQIA+. Gayundin, dahil dito, sinisimbolo rin nito ang mga isyung kinakaharap ng LGBTQIA+ tulad na lamang ng panlalait at hindi makatuwirang pagtrato. Kaya naman, kasabay ng paglago ng gay lingo ay dapat patuloy ang ating paghahanap ng mga mas nakabubuti at epektibong paraan upang puksain ang mga isyung ito.
Nakatulong ang gay lingo sa pagtatayo ng lipunang inklusibo at malaya. Bunga ng pag-usbong nito ay ang pagkakaroon ng representasyon ng LGBTQIA+ sa iba't ibang larangan. Dahil sa gay lingo, hindi na kailangang magpatumpik-tumpik pa sa paglalahad ng tunay na pagkakakilanlan. Dagdag pa rito, sapagkat walang pinipiling edad o sekswalidad and gay lingo, pinagkakaisa tayo nito sa kabila ng ating mga pagkakaiba.
Higit pa sa isang kalipunan ng mga salita, ang gay lingo ay kumakatawan sa kapangyarihang taglay ng wika. Lagpas pa ang kabuluhan nito sa mga letrang isinusulat at mga pantig na binibigkas sapagkat ito ay may kakayahang pagbuklurin ang mga tao kahit gaano man kalayo ang pagitan. Nakapagbibigay ito ng daan para sa ligtas at komportableng paglalahad ng pagkakakilanlan at personalidad.
Kalakip pa nito ang dalang kasiyahan ng gay lingo sa mga pangkaraniwang diskurso. Nagiging dahilan ito ng mga ngiti at tawa kahit pa sa saglit na paggamit lamang. Bukod pa rito, ang impluwensiya ng gay lingo ay nakapagtulak sa pagtanggap at pagkilala sa mga miyembro ng LGBTQIA+. Samakatuwid, masasabing ito ay may mahalagang gampanin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay at ang epekto nito sa bawat isa ay walang halong eklabush at wala nang mas bo-bongga pa
SANGGUNIAN:
[1] Chiong, D., Medina, R., & Vergara, C. (2009, April 28). Badafinitions: The Hottest Words in Gay Lingo. Spot.Ph. https://www.spot.ph/newsfeatures/13926/badafinitions
2] Casabal, N. V. (2008). Gay language: Defying the structural limits of English language. Kritika Kultura, 0(11), 89. https://doi.org/10.3860/kk.v0i11.754
[3] Romero, G. R. L. O., & Pagdanganan, G. D. S. (2022). AbakaBadaf: Reclamation of Queer Spaces and the Adoption of Gayspeak by the Mainstream.
[4] Salvador, B. (2014, November 6). LOOKING BACK: 5 funny moments from The Unkabogable Praybeyt Benjamin. PEP.ph. https://www.pep.ph/news/local/14571/looking-back-5-funny-moments-from-the-unkabogable-praybeyt-benjamin
[5] Chin, M. & Mendoza, J. M. (2022, June 24). Knows mo itey?: Dissecting the ins and outs of Filipino gayspeak. The LaSallian. https://thelasallian.com/2022/06/24/knows-mo-itey-dissecting-the-ins-and-outs-of-filipino-gayspeak/
[6] Ulla, M. B., Macaraeg, J. M., & Ferrera, R. E. (2024). ‘What’s the word? That’s the word!’: linguistic features of Filipino queer language. Cogent Arts and Humanities, 11(1). https://doi.org/10.1080/23311983.2024.2322232
No comments:
Post a Comment