Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Pebrero 14, 2025
Oras na Inilathala: 6:43 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Muling pagkawala sa gitna ng pagsubok
𝘕𝘢𝘨𝘪𝘴𝘪𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘰 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘮𝘢𝘩𝘪𝘮𝘣𝘪𝘯𝘨 𝘯𝘢 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘬𝘢𝘵𝘶𝘭𝘰𝘨.
Parang kanina pa ako paikot-ikot, ang kumot na yumayakap sa akin ay halos wala na sa aking katawan kaya naman ramdam ko ang lamig ng silid. Ang unan ay nakatakip sa aking mukha na animo akong pinipigilan upang mamulat at makita ang tunay na kulay ng mundo. Animo akong binabalot ng isang mabigat na pakiramdam—hindi ko maipaliwanag.
𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘯𝘢 𝘢𝘺 𝘬𝘪𝘯𝘢𝘬𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯 𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘣𝘶𝘮𝘢𝘯𝘨𝘰𝘯.
Nilingon ko ang durungawan sa malapit. Bahagya itong nakabukas kaya pumapasok ang malamig na simoy ng hangin mula sa sanga ng mga puno na nagpapaalala ng mga lumipas na pahanon, ang mamasa-masang lupa ay umiiyak sa ilalim ng gabi.
"𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘵𝘪𝘭𝘢 𝘮𝘢𝘥𝘪𝘭𝘪𝘮?" Bulong ko sa kawalan. Simpleng katanungan para sa iba kung tutuusin, ngunit isa itong sigaw sa aking isipan—para akong sinasakal.
Ang kadiliman ay tila isang makapal na balabal, napakalaking harang, sinadya marahil upang tabunan ang sinag ng buwan at mga bituin sa kalawakan.
Ang mga kuliglig sa malapit ay nag-aawitan ng kani-kanilang mapapanglaw na himig, mga himig na sumasabay sa mabilis na pagpintig ang aking puso.
Nangangapa akong lumakad sa silid, hindi ko mahanap ang bukasan ng ilaw ngunit sadyang sumusunod ang aking mga paa sa isang pamilyar na landas.
Nagpatuloy ako, nang mahanap ang seradura ng pinto ay kaagad ko itong pinihit upang mabuksan.
𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘯𝘢 𝘳𝘪𝘯 𝘱𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘭𝘪𝘸𝘢𝘯𝘢𝘨 𝘴𝘢 𝘴𝘢𝘭𝘢, 𝘳𝘪𝘵𝘰 𝘱𝘢 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘢𝘬𝘰 𝘮𝘪𝘯𝘴𝘢𝘯 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘮𝘢𝘩𝘪𝘯𝘨𝘢.
Naisip kong pumunta sa tarangkahan at lumabas panandalian. Ang ideya pa lamang ay nagdulot na kaagad sa akin ng matindi at nakababahalang takot. Dahan-dahang gumapang sa akin ang kaba.
"Ano ba ang naghihintay sa akin?" 𝘞𝘢𝘭𝘢 𝘢𝘬𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘬𝘪𝘵𝘢𝘯𝘨 𝘭𝘪𝘸𝘢𝘯𝘢𝘨, 𝘵𝘪𝘭𝘢 𝘣𝘪𝘯𝘢𝘣𝘢𝘭𝘰𝘵 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘥𝘪𝘭𝘪𝘮𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘸𝘢𝘵 𝘴𝘶𝘭𝘰𝘬 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘭𝘪𝘨𝘪𝘳𝘢𝘯.
Sinubukan ko pang pumunta sa ibang gawi. Wala ring ilaw sa mga ito, mabigat tuloy sa pakiramdam.
Tahimik ang paligid, halos mga aso sa gitna ng gabi at mga sasakyan na lamang na umaabot ang ingay hanggang dito ang aking naririnig. Sa gitna ng katahimikan ay naglalaro sa aking isipan ang bulong ng mga bagay na aking ikinakatakot.
Dala nito ay kusang tumakbo ang aking mga paa pabalik sa daan na kanina'y aking pinagmulan. Muli akong pumasok sa loob at nilibot ang tahanan. Wala na ang mga tao rito, 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘣𝘪 𝘯𝘨𝘢 𝘳𝘪𝘯 𝘱𝘢𝘭𝘢 𝘴𝘪𝘭𝘢.
Lumabas ang mga silweta sa bawat sulok ng kabahayan. Papalit-palit—pabago-bago ang porma ng mga ito. Wangis ng mga tao sa nakaraan—mga taong iniwan ako at hinayaang mag-isa sa ere. Nagsusumiksik at nag-uunahan sa akin ang mga ala-alang hindi ko na makaligtaan pa. Unti-unti nitong ipinapaalala ang paglisan ng mga pagkakataong nawala na, mga pagkakataong hindi na maaaring maibalik pa.
Ano ba naman iyan... Ginabi na naman pala ako ng gising. Marami pa sana akong nais gawin—ngunit huli na.
Nakatayo ako ngayon sa gitna at habang pinapasadahan ng tingin ang paligid, isang bagay ang aking napagtanto.
Mag-isa, nawawala—naliligaw at hindi na batid pa kung saan ang dapat na patunguhan.
𝘎𝘢𝘣𝘪 𝘯𝘢 𝘱𝘢𝘭𝘢, 𝘮𝘢𝘥𝘪𝘭𝘪𝘮 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯.
No comments:
Post a Comment