Friday, February 14, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Ngayong Kasalukuyan” ni Lara Marie De Leon


Disenyo ni: Avrianne Cabate

Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano

Petsang Inilathala: Pebrero 14, 2025

Oras na Inilathala: 6:57 PM


Kategorya: Prosa
Tema: Ang pagtanggap sa kapayapaang dala ng pagpapahinga.


Hindi mo pa nakikilala ang lahat ng taong magmamahal sa’yo.


Mahaba pa ang iyong oras, matarik pa ang tindig ng buhay na naghihintay sa’yo. Huwag kang magmadali, huwag kang kabahan at matakot. May tamang oras at panahon ang mga bagay na nakatakda para sa’yo. Lalo ang pagmamahal—hindi mo kailangang ipilit, hindi mo kailangang habulin. Wala kang kailangang habulin, dahil ang pagmamahal na totoo ay kusa—kusang darating, kusang mananatili.


Kung ayaw sa’yo, mabuti nang hayaan mo. Mabuti nang burahin sa isipan kaysa pilitin ang sarili sa hindi naman nakalaan para sa’yo. Sa paglimot, mahahanap ang kapayapaan.


Hindi masama ang bitawan ang mga bagay na hindi na nagbibigay sa puso mo ng saysay. Dahil kung tunay na para sa’yo, hindi ka lalagpasan. At mangyari mang magkasalisi, lilingon ito at ikaw ay babalikan.


Mauupos ka sa araw-araw mong pakikipagtagisan. Hindi mo kailangang ipanalo ang bawat laban, hindi mo kailangang tapusin ang bawat giyera sa iyong isipan. Sa walang tigil mong pakikipagpuksaan sa iyong sariling multo, dahan-dahan kang mauubos. Kaya’t sa halip na ipagpilitan mo ang lahat, bigyan mo ng panahon at espasyo ang puso mo na huminga.


Sampung minuto. Bigyan mo ng kahit sampung minuto ang iyong naghihingalong puso para makaramdam ng katahimikan—hayaan mo itong maranasan ang halik ng kapayapaan. Hindi lahat ng digmaan ay tanda ng lakas ng loob; minsan, sa pagtigil at pamamahinga mo nakikita ang tunay na katapangan.


Sapat na ang kaunting kapayapaan ngayong kasalukuyan. Taimtim na maghihintay. Hindi mamadaliin, hindi pipilitin. Darating din ang panahon na lahat ng pinagdarasal ay magiging abot-kamay, pati ang pagmamahal na matagal nang hinahanap ay matatagpuan.


Sa ngayon, sapat na ang panandaliang paghinga. Pumikit. Pakiramdaman ang tibok ng puso at ipaalala sa sarili na hindi kailangan habulin at hanapin ang pag-ibig at kapayapaan—maaring hayaan ito na ang maghanap sa iyo.


Hayaan mo na simulan ang paglalakbay na ito ngayon, at bigyan ang sarili mo ng pagkakataong makaramdam ng ginhawa. Panghawakan ang paniniwalang mas magaan na ang dalahin kinabukasan.


IMAGE SOURCE:
Christine. (n.d.). Pinterest. https://pin.it/6vBEwOtYg
 


No comments:

Post a Comment