Disenyo ni: Joey Francisco
Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Marso 20, 2025
Oras na Inilathala: 6:57 AM
Kategorya: Prosa (Parabula)
Paksa: Pagmamahal ng magulang
Bata pa lang ako, pangarap ko nang magkaroon ng sarili kong bisikleta. Alam ‘yan ni Tatay. Pero bilang isang karpinterong halos hindi na makauwi sa sobrang trabaho, hindi ganoon kadaling pag-ipunan ang bagay na para sa kanya'y luho lamang.
Isang araw, habang inaayos niya ang butas naming bubong, sumigaw siya mula sa itaas, “Anak, pangako, bibilhan kita ng bisikleta bago ang kaarawan mo!” Kita ko ang ngiti niya kahit basang-basa na siya ng pawis at halos nanginginig na ang kamay sa pagod. Tumango lang ako, mahigpit ang kapit sa pangako niya.
Lumipas ang mga linggo. Tuwing hapon, inaabangan ko siya sa pintuan. Bitbit ko ang baso ng malamig na tubig, pinagmamasdan ko siya habang dahan-dahang bumababa mula sa traysikel, pasan ang kahon ng gamit, may mga sugat sa kamay, at minsan pa'y may pilay.
“Kamusta ang trabaho, Tay?” tanong ko.
“Ayos lang, anak. Malapit na,” sagot niya habang hinahaplos ang ulo ko.
Sa loob-loob ko, tinitiis ko ang pananabik sa kanya. Minsan, naiinggit ako sa ibang bata—kasama nila ang ama nila sa paglalaro. Si Tatay, laging pagod, laging gabi na kung dumating. Pero iniisip ko, baka nga ‘yon ang paraan niya ng pagmamahal.
Isang gabi, umuwi siyang tila mas lupaypay kaysa dati. Ni hindi niya natapos ang hapunan. Niyakap niya ako bago matulog.
“Kaunti na lang, anak. Malapit na,” mahina niyang bulong.
Kinabukasan, hindi na siya nagising.
Sa mismong araw ng kaarawan ko, hindi ko napigilan ang bigat sa dibdib. Tahimik akong lumabas ng bahay, bitbit ang larawang magkasama kami noong una akong sumubok magbisikleta gamit ang hiniram naming kalakal.
Pagbukas ko ng pinto, naroon ang isang lumang bisikleta—maayos ang pagkakaayos, may laso pa sa upuan, at may papel na nakakabit:
“Para kay Bunso, mula kay Tatay.”
Napatakbo ako papalapit. Hinawakan ko ang manibela, at sa isang iglap, bumuhos ang luha ko. Lungkot, tuwa, pangungulila—sabay-sabay ang lahat.
Hindi ko alam kung kailan niya ‘yon inayos. Hindi ko rin alam kung kanino niya ‘yon nakuha. Pero ang sigurado ko, kahit sa huling pagkakataon, tinupad ni Tatay ang pangako niya.
No comments:
Post a Comment