Disenyo ni: Edward Tabig
Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Marso 20, 2025
Oras na Inilathala: 7:07 AM
Kategorya: Prosa
Paksa: Pagkabigo sa unang pag-ibig
Alas syete ng umaga. Napupungas na mga mata. Halimuyak ng tinimplang tsaa ng aking lola. Tatlong bagay na bungad sa akin sa umagang iyon. Hahakbang na sana’t lalabas ng silid nang marinig ko ang gasgas na himig ng musika mula sa sirang plaka na siyang pinagtiya-tyagaan pa rin ni lola. Hindi pa man nakakatimpla ng kape, ngunit pakiramdam ko nag-iba na ang himig ng umaga. Bawat ikot, bawat tunog ay para bang wala akong pagkakaiba sa sirang plaka na tumutugtog mula sa sala—tila pintig ng aking pusong hindi makalimot mula sa gasgas na alaala.
Garalgal man sa pandinig, ngunit tanging rinig ko lamang ay ang boses niyang humihimig. Maaaring totoo nga na ang isang tao ay kailanman hindi makakalimot sa kanyang unang pag-ibig, pero paano at kailan ba maaaring makalimot sa taong minsan ako’y sinamahan sa pag-ikot sa pagitan ng mga plaka? Paano nga ba makalimot sa taong minsan ako ay binigyang halaga, na parang unang taludtod ng awiting sinimulan ngunit iniwan?
Nakakatawang isipin sapagkat sa lahat ng musikang magkasamang hinuni, naging bahagi na rin pala ako ng koleksyon ng mga plaka. Isang bagay na minsa’y pinahalagahan, kalaunan ay hinayaan. Pagkaraan gamitin at masira, naging piyesa na hindi na mapapakinabangan; isang piyesa na hindi na muling masisilayan.
Marahil sa bawat pag-ikot nito ay isang pag-alala sa sarili kung paano ako nagmahal sa kabila ng lamat na idinulot sa akin dahil sa paghimig. Sa bawat pagkaskas ng mga melodiya na halos hindi na magtugma, isang paalala ng mga bahaging hindi na maibabalik sa dati. Isang paalala na hindi lahat ng awitin ay kailanman dapat ulitin. Sapagkat habang patuloy itong hinihimig, malinaw na kung bakit kailangang hintuin.
Ako ay isang sirang plaka. Hindi na tila at hindi na rin parang. Bagkus ay isang ganap na sirang plaka, sapagkat sa umpisa pa lamang ng pagkakatugtog nito ay hindi na muling huminto pa. Paulit-ulit ng hinihimig, bersyon, at sinasambit na linya ng taludtod. Paulit-ulit ang paksang ikinukwento. At paulit-ulit na damdaming iniikot—isang awit ng pag-ibig na kailanman ay hindi matatapos.
No comments:
Post a Comment