Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Marso 26, 2025
Oras na Inilathala: 3:38 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagmamahal na payapa at mahinahon sa kabila ng magulong mundo.
Hindi mahirap magmahal—hindi ka mahirap mahalin.
Ngunit bakit tila ba sa bawat halik ng liwanag, mas pinipili mong magkubli sa anino? Bakit sa tuwing yayakapin kita, nararamdaman ko ang paninigas ng iyong katawan, ang pagpigil ng iyong hininga, na para bang sa isang iglap, bumabalik sa iyo ang bigat ng mga alaala?
Mahal, hindi mo kailangang magsalita. Hindi mo kailangang ipaliwanag ang lungkot na pilit mong isiniksik sa pagitan ng iyong mga tawa. Ramdam ko ito. Ramdam ko kung paano mo ginawang tahanan ang katahimikan, kung paano mo itinuring na kaibigan ang pag-iisa, at kung paano mo hinayaang lunurin ka ng mga multo ng kahapon.
Dahil sinanay kang takpan ang bibig habang humihikbi, sinanay kang gawing unan ang sariling palad upang pigilan ang tunog ng bawat hikbi sa gabi. Sinanay kang maniwala na ang sakit ay bahagi ng pagmamaha. Namulat kang ang haplos ay maaaring maging latay, na ang salitang "anak" ay hindi laging nangangahulugang ligtas ka sa sariling tahanan.
Sa halip na yakap, nasanay kang palaging may humihila sa iyo pababa. Sa halip na salitang nagpapagaan ng loob, natutunan mong ang pag-ibig ay may kasamang pang-uuyam, paninisi, at paulit-ulit na pagpapaalala ng iyong pagkukulang.
Mahal, hindi ba nila napansin ang bigat ng iyong mga mata? Hindi ba nila narinig ang mga sigaw sa loob ng iyong isipan? Hindi ba nila nakita ang pilat sa iyong balat, hindi lang mula sa kanilang mga kamay kundi mula sa paniniwalang nilason ng kanilang mga salita? Sa tuwing susubukan mong ipagtanggol ang sarili mo, mas lalo ka nilang ibinabaon, at tinawag nila itong pagmamahal.
Ngunit hindi ito pagmamahal. Hindi ito ang pagmamahal na nararapat sa isang tulad mo.
Dahil hindi dapat ito bumabasag kundi bumubuo. Hindi ito dapat maging tanikala na humihila sa iyo pabalik sa madilim na kahapon, kundi ilaw na gagabay sa iyo palabas. Hindi ito isang laban kung saan kailangang may masaktan upang patunayang totoo. Ang tunay na pag-ibig ay hindi isang sugat na kailangang dalhin habambuhay, kundi isang sugat na may kakayahang maghilom, magpagaling, magpalaya.
Kaya mahal, huwag kang matakot. Alam kong mahirap maniwala, mahirap bumitiw sa mga bisig ng kahapong matagal nang yumayakap sa iyo. Alam kong may bahagi sa iyo na gustong kumawala ngunit hindi alam kung paano magsimula. At hindi kita pipilitin. Hindi kita hihilahin kung hindi ka pa handa. Ngunit gusto kong malaman mo—narito ako.
Narito ako, hindi upang itama ka, kundi upang ipaalala sa iyo na wala kang kailangang patunayan upang mahalin. Narito ako, hindi upang pawiin ang lahat ng sakit sa isang iglap, kundi upang iparamdam sa iyo na hindi mo kailangang harapin ito nang mag-isa. Hindi mo kailangang magkubli sa likod ng mga ngiti na hindi umaabot sa iyong mga mata. Hindi mo kailangang lunukin ang bawat hikbi upang paniwalaang kaya mong dalhin ang lahat.
Hawakan mo ang kamay ko, kahit may pag-aalinlangan pa. Dahan-dahan, mahal. Dahil ang pag-ibig ay hindi dapat sinisiil ng takot.
Hindi mahirap magmahal–lalo na kung ikaw ang mamahalin.
No comments:
Post a Comment