Wednesday, March 26, 2025

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠: “Higit sa Ilaw ng Tahanan” ni Shekainnah Gwyneth C. Guron

 

Dibuho ni: James Gamboa

Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano

Petsang Inilathala: March 26, 2025

Oras na Inilathala: 12:42 PM


Sa kabila ng mga isinusulong na pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga kasarian, namamayagpag pa rin sa mga ilang opisina sa Pilipinas ang kakulangan ng oportunidad para sa kababaihan ng bansa. Ang bawat kasarian ay maituturing na pag-asa para sa mas magandang kinabukasan ng bansa, ngunit, bakit tila napag-iiwanan ang mga kababaihan pagdating sa pagkakataong panghanap-buhay?


Ayon sa Commission on Population and Development (CPD), mas mataas ang porsyento ng mga kababaihan ang nakapagtapos sa Pilipinas. Ang kanilang bilang ay umaabot sa 14.5%, higit na mas mataas kaysa sa 10.5% na bilang ng mga kalalakihang nakapagtapos [1]. Makikita sa datos na ito na malinaw na hindi kakulangan sa edukasyon o kakayahan ang pumipigil sa kababaihan. Kung talino, diskarte, at diploma ang batayan, walang dahilan para ipagkait sa kanila ang mga oportunidad. Ngunit sa kabila ng kanilang mga kwalipikasyon, lalaki pa rin ang mas pinapaboran ng mga institusyon. Bakit patuloy na ginagawang basehan ang kasarian kaysa sa mga kayang gawin ng isang tao pagdating sa pamimili ng mga empleyado? At kailan kaya matitigil ang siklong ito na mas matimbang ang kasarian kaysa sa tunay na kakayahan?


Dagdag pa rito, ayon sa CPD, kahit na higit na mas mataas ang bilang ng mga kababaihang may pinag-aralan, mas pinapaburan pa rin ng iba’t-ibang institusyon ang mga kalalakihan pagdating sa pagpili ng kanilang mga bagong empleyado. Base sa datos na nakalap ng CPD, umaabot lamang sa 51.2 porsyento ang bilang ng kababaihang may trabaho. Higit itong mas mababa kung ikukumpara sa bilang ng mga lalaking may hanap-buhay na umaabot sa 75.4 porsyento [1]. Kaya kung ating iisipin, nagmumukhang hipokrito ang Pilipinas pagdating sa isinusulong na pagkakapantay-pantay ng magkaibang kasarian pagdating sa mga ganitong bagay. Sa bilang pa lamang na ito ay masasabi nang palaging pag dating sa kababaihan, biglang nagkukulang ang mga oportunidad para sa kanilang pag-unlad. Na kahit ang mga Pilipinas ang mas may isisigaw, hindi pa rin sila pinakikinggan ng ilang institusyong pangtrabaho ng bansa.


Bukod pa rito, nasa ilalim ng lagda ng pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine Population and Development Plan of Action (PPD-POA) 2023-2028 na nagsasaad ng iba’t ibang stratehiya upang mas mapalawak pa ang mga pagkakataon ng mga kababaihan na ipakita ang kanilang kakayahan sa mundo [2]. Ngunit, napapatupad nga ba nang maayos ang aksyong ito ng gobyerno? Sapat nga ba ito para matauhan ang sambayanan, lalo na ang mga institusyong pangtrabaho, na hindi lamang mga lalaki ang may kayang makipagsabayan?


Isang taon na mula noong ito’y pirmahan ng pangulo ngunit, hanggang ngayon, nagmumukhang hanggang plano na lamang ang aksyon na ito. Ito ay sa kadahilanang hindi pa rin gaanong binibigyan ng rekognisyon ang mga kakayanan at abilidad ng mga kababaihan. Palaging lalaki ang iniisip na mas magaling sa kahit saang larangan nang dahil lang sa kanilang kasarian. Bukod pa rito, ang diskriminasyon sa kasarian ay isa ring pangunahing dahilan kung bakit maraming kumpanya ang naglilimita sa mga oportunidad para makapagtrabaho ang mga indibidwal sa kanilang institusyon.


Ilang taong ipinaglaban ng kababaihan ang kanilang karapatan para lamang mamuhay nang matiwasay sa mundo gaya ng mga lalaki. Ilang taon nilang ipinaglaban ang kanilang mga karapatan para lamang maisulong ang pagkakapantay-pantay. Ngunit, sa kabila ng lahat, palaging lalaki pa rin ang nasa itaas pagdating sa gulong ng buhay sa pagitan ng dalawang kasarian at patuloy pa rin ipinagkakait sa mga kababaihan ang kalayaan at pribilehiyong makapagtrabaho sa magagandang institusyon na kanilang ipinaglaban din sa loob ng mahabang panahon.


Hindi lang naman lalaki ang naghihirap at nangangailangan ng trabaho sa mundo. Hindi lang naman lalaki ang may karapatang buhayin ang kanilang mga pamilya sa iba’t ibang paraan. Kung kaya’t bakit sila lang ang mayroong oportunidad na gawin ang kanilang gusto? Bakit sila lamang ang mas binibigyan atensyon at pagkakataon ng mga institusyon?

Sa mundong ibabaw, may pantay-pantay na pangangailangan ang lahat ng tao, anuman ang kasarian. Kaya't nararapat lamang na magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga lalaki at mga babae. Walang nakatataas at walang nakabababa, dahil ang lahat ay may mga pangangailangan na kailangang punuin sa araw-araw. Mahalaga rin na kilalanin ng gobyerno ang mahalagang papel ng mga kababaihan sa pagbabago at pag-unlad ng ating bansa. Dapat silang bigyan ng sapat na atensyon at oportunidad upang maipakita ang kanilang galing sa iba't ibang larangan. Kung kaya, makabubuti para sa mga kababaihan kung makukulayan ng gobyerno ang kanilang guhit ng pagbabago para sa pagbubuklod-buklod at pagkakaisa ng bawat kasarian.


Huwag nating kalimutan ang mahabang kasaysayan ng paglaban ng mga kababaihan para sa kanilang karapatan sa paghahanap-buhay. Huwag nating hayaang maulit ang mga pagkakamali ng nakaraan. Panahon na para tuldukan ang sistemang patuloy na naglilimita sa kanilang mga kayang gawin. Hindi limitado ang kanilang kakayahan. Sadyang hinahadlangan lamang ng ating lipunan ang kanilang mga kayang gawin para sa ating bayan. Tandaan, hindi lang sila mga babae—sila ay mga indibidwal na may abilidad na baguhin at pagandahin ang ating lipunan. Sila ay kapantay ng iba pang kasarian pagdating sa pagbibigay liwanag sa ekonomiya ng ating bansa kung kaya’t huwag nating kalimutan na hindi lamang sila ilaw ng tahanan, sila rin ang daan para sa matayog na kinabukasan ng ating bayan.


SANGGUNIAN:

[1] Moaje, M. (20205, March 6). Commission Calls for Stronger Policies to Bridge Gender Gaps. https://www.pna.gov.ph/articles/1245566


[2] Commission on Population and Development. (n.d.) Philippine Population and Development Plan of Action 2023-2028. https://cpd.gov.ph/wp.../uploads/2024/02/PPD-POA-REPORT.pdf

No comments:

Post a Comment