Inilathala ni: John David Viñas
Petsang Inilathala: Abril 04, 2025
Oras na Inilathala: 3:39 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Perspektibo ng mga taong naaabuso dahil sa kawalan ng karapatan at hustisya.
Malamig ang hangin nang gabing iyon, ngunit hindi iyon ang nagdulot ng panginginig sa katawan ni Pael. Nakayuko siya habang tahimik na naglalakad sa isang madilim na eskinita, dama ang bigat ng mga matang sumusunod sa bawat hakbang niya. Pakiramdam niya’y hinuhubaran siya ng mga titig, kinakalkula, sinusuri, parang isang bagay na hindi niya pag-aari ang sarili niyang katawan.
Bumilis ang tibok ng kanyang puso nang may lumapit. Isang babae, ang mga mata’y mabagal siyang sinuri mula ulo hanggang paa. Ngumiti ito—hindi malambing, hindi magiliw. Isang ngiti ng pag-aari at pagnanasa.
"Kanina pa kita pinapanood," anito, ang tinig ay halos pabulong ngunit puno ng kumpiyansa. "Para kang nawawala."
Umiling si Pael, pilit na itinago ang kaba. "Hindi, uuwi na ako."
Ngunit hindi siya pinakawalan ng tingin nito. May kung anong humigpit sa kanyang lalamunan.
Ramdam mo na ba?
Ang pagdikit ng takot sa balat, ang kawalan ng kontrol sa isang sitwasyong hindi mo hiniling? Ang pakiramdam ng pagiging isang hayop sa kulungan, pinagmamasdan at hinihintay na maging sapat na mahina upang lapitan?
"Anong ibig mong sabihing tinatakot kita?" Malambing ang boses ng babae, halos mapanukso. "Hindi ba’t ganito lang talaga? Tingnan mo ang sarili mo—ang postura mo, ang paraan ng paggalaw mo. Hindi mo ba alam kung ano ang sinasabi ng katawan mo?"
Napaatras si Pael. Hindi niya alam kung paano sasagot.
"Ano’ng ibig mong sabihin, hindi mo ‘to ginusto?" Tumawa ito, ngunit walang saya sa tunog nito. "Kung ayaw mo, bakit ka lumabas nang ganyan ang itsura? Bakit mo hinayaang makita kita?"
Sinubukan niyang magsalita, ngunit parang natunaw ang kanyang boses. Parang kahit anong sabihin niya, wala nang saysay.
Ganito pala.
Ganito pala ang pakiramdam ng pagiging biktima sa mata ng isang taong may hawak ng kontrol.
Hindi niya namalayang bumibilis ang kanyang paghinga. Hindi niya namalayang kinuyom niya ang kanyang kamao.
Masaya pa ba?
Hindi, ‘di ba? Nakakasuka. Nakakabaliw.
At ngayon, sa unang pagkakataon, alam mo na.
Alam mo na kung paano kami mabuhay. Alam mo na kung paano kami kinukulong sa titig, sa salita, sa takot na hindi mo mahawakan ngunit hindi mo rin matakasan.
At tulad namin, gusto mo ring tumakbo.
Ngunit wala kang ibang pagpipilian kundi lumaban.
Ngayon, sabihin mo sa akin,
Kaya mo bang harapin kami?
O matutulad ka na lang sa amin—tahimik, pilit na nagtatago, at nangangarap ng isang mundong hindi na kailangang ipaglaban ang dignidad na dapat ay sa lahat.
No comments:
Post a Comment