Friday, April 4, 2025

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠: “Katatagan para sa Pagbabago” ni Raine Gabriel G. Tolentino


Inilathala ni: John Kurt Gabriel Reyes

Petsang Inilathala: Abril 4, 2025

Oras na Inilathala: 6:17 PM


Ang mga Pilipino ay kilala bilang mga matatag na indibidwal na hindi basta basta nagpapatalo sa anumang problema o sakuna. Umaraw man o bumagyo, patuloy na babangon ang mga Pilipino para harapin ang paparating na pagsubok. Gayunpaman, sa likod ng tila positibong epekto nito, may nakatagong komplikadong resulta ito sa buhay ng mga mamamayang Pilipino.

Ang “Filipino Resiliency” o ang pagiging matatag ay isang pang-kulturang katangian ng mga Pilipino na patuloy na tumindig at tiisin ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap. Dahil sa taglay na pagmamahal ng mga Pilipino para sa kanilang pamilya at kapwa, nabuo ang kaisipan na ito at hanggang ngayon, dala pa rin ito ng marami sa atin. [1] Ngunit sa kabila ng kagandahan ng salitang ‘matatag’ ay ang patuloy na pagtitiis ng mga Pilipino sa kung anong meron sila. Isa sa mga negatibong epekto ng katatagan ng mga Pilipino ay ang maging normal ang pagdurusa. Sa patuloy na pag-asa sa mga Pilipino na maging matatag, hindi sinasadyang lumikha tayo ng isang kultura na tinitignan ang kahirapan bilang isang normal na bahagi ng ating buhay.

Bukod pa rito, ang “Filipino resiliency” ay kadalasan ding gamitin upang bigyang-katwiran ang kakulangan ng suporta ng gobyerno para sa mga Pilipino. [2] Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kakayahan ng mga Pilipino na makayanan ang mga pagsubok, ang mga lider na namumuno ay mas pipiliin na hindi na magbigay ng sapat na serbisyong panlipunan at magtatag ng mga programa na makakatulong sa kalamidad. Ngunit mahalaga na isaalang alang na ang pagiging matatag ay hindi dapat isang aspeto na patuloy nating isakatuparan, lalo na kung may matinding sakuna, sa halip ay gamitin ito ng gobyerno na oportunidad para sa pagbabago.

Kung patuloy nating tatanggapin ang ganitong kaisipan, maaaring humantong sa kakulangan ng pananagutan ang mga nasa kapangyarihan, dahil umaasa sila sa katatagan ng kanilang mga nasasakupan na tiisin ang mahirap na kalagayan. Sa pamamagitan ng pagkilala sa isyung ito, maaari nating simulan na ituon ang ating pansin sa paglikha ng isang mas makatarungan at pantay na lipunan, isang lipunan na magpapahalaga sa kakayahan at dignidad ng lahat ng mga Pilipino.

Ang katatagan ay tunay na nakakaapekto sa pangangailangan ng sistematikong pagbabago sa ating bansa. Kaya naman sa pamamagitan ng pagtuon ng ating pansin sa mga tunay na sanhi ng kahirapan, gaya na ang hindi pagkakapantay-pantay at hindi makatarungang pamumuhay, maiiwasan natin ang pagtutok sa indibidwal na katatagan. Panahon na upang tanggalin natin ang ganitong kaisipan dahil ang tunay na kahulugan ng pagiging matatag ay ang lumaban para sa pagbabago.


MGA SANGGUNIAN:

[1] Hernandez, A.M. (2024, December 10).

The ‘Resilient Filipino’: From Romanticised Climate Narratives Towards Resilience-Focused Climate Policy in the Philippines. Fulcrum.

https://fulcrum.sg/reclaiming-the-resilient-filipino.../

[2] Agbay, A. (2024, May 16). The Filipino Resilience as a Form of Systemic Burden. GirlPowerTalk.

https://girlpowertalk.com/filipino-resilience-as-a-form.../

No comments:

Post a Comment