Friday, June 20, 2025

𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡: "Online Tanim: Ang Pag-ani ng Kabataan sa Mundo ng Grow a Garden" ni Yannah Descalso


Inilathala ni: Yannah Descalso

Petsyang Inilathala: Hunyo 20, 2025

Oras na Inilathala: 1:26 PM


"𝘗𝘢𝘩𝘪𝘯𝘨𝘪 𝘧𝘳𝘶𝘪𝘵𝘴! 𝘔𝘢𝘺 𝘴𝘦𝘦𝘥𝘴 𝘬𝘢 𝘯𝘢?" Ilan ito sa mga katagang madalas marinig sa Grow a Garden, ang online taniman ng kabataan ngayog tag-init. Dito ay hindi lang basta tanim at ani ang usapan—may pets, seeds, at swertehan sa rare drops. Isang simpleng libangan pero sa likod ng bawat pindot ay may kwento ng paghihintay, pag kakaibigan at Minsan, kaunting pagkadismaya.


Dahil sa kasikatan ng laro, tinatayang may 2.5 hanggang 3 milyon ang aktibong manlalaro nito araw-araw, minsan pa ay pumapalo ng 6 milyon o doble pa. Samantala, umabot na rin sa mahigit 8 bilyong kabuuang bisita ang laro, at may 93% rating sa Roblox app. Mas mataas ito kaysa sa karamihang laro sa Roblox.


Ayon kay Jenzen Madsen, may-ari ng Roblox Development Studio Splitting Point, inilunsad ang Grow a Garden noong Marso 25 ng isang 16-anyos na developer. “And we just partnered with that developer, built in a live-ops plan, did some general updates to the game, and, pretty much, the rest is history,” ani Madsen. Dahil dito, hindi na lamang ang batang developer ang sentro ng tagumpay ng laro.


Ang simpleng larong ito ng pagtatanim ay maaaring nakaaaliw, nakaiinis, at minsan pa nga’y nakaaadik. Bumili ka lang dapat ng seed. Tapos nagkaroon ka ng pet, naghintay ng Queen Bee, napalaban sa raccoons, at ayan—tatlong oras ka nang naglalaro. 


Ngunit sa dami ng puwedeng balikan, bakit "Grow a Garden is life!” pa rin sila? Tara at alamin natin kung bakit Grow a Garden ang bagong tambayan ng maraming kabataan ngayong bakasyon.


MAGTANIM AY' DI BIRO!

Magsisimula ang laro sa pagbili ng seeds, na ilang segundo o minuto bago mamunga. Kapag handa nang anihin, pindutin lamang ang ‘Collect’ na lilitaw sa screen.


Ngunit tulad ng tunay na pagtatanim, hindi ito ganoon kadali. Kailangang maghintay ng tamang pagkakataon upang makabili ng gustong buto, dahil limitado ang stock ng bawat klase. Mayroon ding seed packs at eggs na maaaring bilhin nang paisa-isa o pakyawan—mga loot box na may lamang espesyal na seeds at pets.


Ang in-game currency na tinatawag na Sheckles ang ginagamit sa pagbili. Maaari rin itong bilhin gamit ang Robux, ang premium currency ng Roblox, na siyang pangunahing pinagkukunan ng kita ng laro.


Kumikita ang manlalaro ng Sheckles sa pamamagitan ng pagbebenta ng ani sa lokal na mangangalakal. Magagamit ito sa pagbili ng bagong seeds, dekorasyon, at pag-upgrade ng hardin. Ang maganda pa, patuloy na lumalaki ang iyong mga pananim kahit hindi ka online.


Bukod dito, nadagdagan na rin ang laro ng mas interaktibong karanasan. Kung noon ay sapat na ang makapagtanim at makaani, ngayon ay may mga pets na nagbibigay ng panibagong sigla at saya sa hardin.


BAGONG PETAS

Bilang bahagi ng bagong update ay ang pets. Umabot na sa mahigit 40 ang iba't ibang pets sa Grow a Garden gaya ng Bunny, Red Fox, Orange Tabby, at Polar Bear na ang bawat isa ay may natatanging abilidad.


Ang isa sa bagong update? Bees. Kapag dumating ang mga ito, kailangang mangolekta ng pollinated fruits para makakuha ng Honey, na gagamitin upang mapisa ang Bee Eggs. Doon mo mahuhuli ang pinakamabihira, ang Queen Bee—may 1% drop chance lamang.


Ayon kay Chadley Kemp ng Ginx TV, “It requires a ton of luck to hatch.” Kaya’t kung hindi ka mapalad, puwedeng paulit-ulit mong subukan… kahit parang wala nang lumalabas na Queen.


Samantala, inaabangan din ng mga manlalaro ang pagdating ng rare seeds tuwing may update. Kaya araw-araw, may dahilan para bumalik—bagong cycle, bagong surpresa, bagong pag-asa ng masaganang ani. Habang dumarami ang update, dumarami rin ang hamon. Dito na pumapasok ang mga emosyon at karanasang hindi nalalayo sa tunay na buhay, tila lahat ay may kwento ng kabiguan.


SOBRANG NAKAKASEED!

Sa paglalaro, hindi rin maiiwasan ang in-game frustrations. Sa social media, laganap ang kwento o mga senaryo ng mga dismayadong manlalaro sa Grow a Garden.


“𝘎𝘶𝘺𝘴, 𝘨𝘳𝘢𝘱𝘦𝘴 𝘰𝘯 𝘴𝘵𝘰𝘤𝘬!” Pero pag-login mo, “𝘈𝘺, 𝘤𝘢𝘳𝘳𝘰𝘵 𝘯𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨?” Ang halo ng sadness at anger—na parang galing sa pelikulang Inside Out—ay nangingibabaw kapag naubusan ka ng seeds.


Minsan, hindi sinasadyang mapindot ang 'Collect'. Kapag malapit nang maging jumbo-sized ang prutas na sana’y mataas ang halaga, bigla itong ma-ha-harvest kaya 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘬𝘢 𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘢𝘨𝘢𝘸𝘢, 𝘪𝘣𝘦𝘯𝘵𝘢 𝘮𝘰 𝘯𝘢!


At hindi pa diyan natatapos—may raccoons na puwedeng magnakaw o manira ng pananim. Sa kabila ng mga ito, hindi pa rin matatawaran ang aliw at interaksyon sa loob ng Grow a Garden. Halos walang cheating, bihira ang hacks—ang tanging hadlang ay ang mismong laro, at ang ibang manlalaro.


Kahit may mga ganitong karanasan, nananatili ang lakas ng komunidad nito. Mas lumalalim ang karanasan dahil natututo ang bawat manlalaro na humawak ng pagkadismaya, at magpatuloy lamang.


MAHALAGANG PAANIYAYA!

Ang Grow a Garden ay lampas sa simpleng libangan. Sa unang tingin ay isa lamang kaswal na laro—pindot dito, tanim doon, ani rito. Ngunit, may malalim na karanasang nagtuturo ng tiyaga at pananabik sa mga simpleng bagay. Gaya ng tunay na paghahardin, hindi instant ang tagumpay. Kailangang paglaanan ng panahon at tamang diskarte.


Sa katunayan, hindi lahat ay agad na nagbubunga, at kadalasan, hindi natin kontrolado ang resulta na maaring may pagkaantala. Ang mga kabiguan sa laro—may bugs at may limitasyon—na siyang tinutumbasan ng panibagong cycle, bagong pets, bagong updates—isang paalala na laging may pag-asa matapos ang pagkabigo.


Higit sa lahat, ito rin ay larong nagsasanay sa kabataan na pangalagaan ang kanilang pananim—sa laro man o sa tunay na buhay. Kung paanong ang isang buto ay nangangailangan ng oras upang mamunga, ganoon din ang mga bagay na mahalaga sa atin. Hindi lamang birtual na hardin ang iyong pinapalago sa Grow a Garden, kundi pati ang iyong pagkamalikhain, pakikipagkapwa-tao at pasensya. 


Kaya ano pa ang hinihintay mo? Pasukan? Eh ilang araw na lang bago ’yan! Kaya habang may panahon pa, samantalahin mo na ang huling hirit ng tag-init. Baka bukas, ikaw na ang may pinakamayamang hardin—o baka nga, ang susunod na makakuha ng Queen Bee!


MGA SANGGUNIAN:

[1] Carpenter, N. (2025, Mayo 22) A new Roblox gardening game is hotter than anything on Steam.

https://www.gamefile.news/p/grow-a-garden-roblox-interview


[2] Cripe, M. (2025, Mayo 31) Roblox's Grow a Garden Towers Above Even the Biggest Steam Games — but You Probably Have No Idea What It Is.

https://sea.ign.com/grow-a-garden-roblox/228269/news/robloxs-grow-a-garden-towers-above-even-the-biggest-steam-games-but-you-probably-have-no-idea-what-i




No comments:

Post a Comment