Wednesday, July 9, 2025

 π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Ang Nakakubling Pahimakas sa Paggunita.” ni Janela Kim F. Clava


Inilathala ni: Christine Palcon 


Petsang Inilathala: Hulyo 09, 2025

Oras na Inilathala: 10:36 AM

Kategorya: Prosa
Tema: Pag-alala sa mga masasakit na alaala’t pagkuha ng lakas upang makalaya.

Ang tanging kasalanan ko ay ang ang pag-alala sa mga kasalanan mo. 

Nainom ko na ang likidong ‘singpait ng katotohanan, kung paano dumampi ang kanyang mga labi sa‘yong mukha, kung paano naipagsama sa iisang napakatamis na lintanya ang pangalan n'yong dalawa. Ni minsan ay hindi gumaan ang aking pakiramdam sa pulutan ng mga pira-pirasong alaala na nabuo n‘yong dalawa. Napalaya ko naman na—siguro, baka—ang hinagpis na aking dinadala kaakibat ng salitang “mahal kita.” Iba naman kasi ang istorya, hindi naman ito isang pusong hinahangad ang isa—dahil nangako ka na parating sabay ang pagtibok ng sa’ting dalawa.

Ang mga tawang ngayong matagalan kong naririnig ay kanya na palang pampatulog na musika, ang palitan ng mga ngiti’t sulyap na nagpabigat saaking dibdib ay tila mananatiling nakabara. Ang mga mirasol na inialay ko sa‘yo noong araw na ’yon ay naglagas na. Hindi ko naman nais na ipaalala sa'yo ng paulit-ulit ang aksidenteng kanyang nagawa kasama ka, ngunit bakit kahit na wala ako sa tabi mo noong panahong ’yon ay ako rin ang naging biktima? Dahil ang totoong trahedya ay ang panandaliang pagkalimot mo sa aking pagkatao at sa ating dalawa.

Napatawad ko na, noong nagsipatakan ang iyong luha ay sinabay ko na rin ang aking pagpapakumbaba. Ngunit gabi-gabi ay nagpapakita sa aking panaginip ang iba’t ibang senaryo kung saan dapat kitang iwan dahil sa iyong mga pagkakasala. At sa tuwing nililihis ko ang aking isipan, tila ako’y sinusumpa’t paulit-ulit na binabalikan. Ang mga prosang hindi ko maisulat ay nakatambak sa aking bisig nang ilang buwan. Binabalot ako ng takot dahil ang mga obrang aking likha ay puno ng pagmamahal at kagitingan tungkol sa iyong katauhan.

Sasabay ang pagkawasak ng aking puso sa pagdungis ng mga ala-ala mong hindi ko ginugustong ipaalam sa ibang tao. At sa bawat pagmulat ng mga mata ko, paulit-ulit kong hihilingin na sana ang sugat at pait ay humupa. Na kung darating man ang panahon na ako’y iyong pipiliin na, sana ang puso ko’y sa'yo pa. Ngunit sa ngayon, haharapin pa rin kita nang may ngiti sa aking mga labi, tatawanan ko pa rin ang iyong mga pabirong lintanya, hahagkan ko pa rin ang init ng iyong mga bisig, at magpapahulog muli sa amo ng iyong mukha. At kapag naubos na ang kandila, kasabay nang pagbagasak ng aking damdamin sa aking sikmura, alam kong unti-unting sa'yo ako’y magiging malaya.

No comments:

Post a Comment