Wednesday, July 9, 2025

𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡: "Ako'y Isang Sirena: Sa Agos ng Katahimikan, Tinig ng Kabataang LGBTQ+ ang Patuloy na Lumalaban" ni Jewel Mae Abellonar

 

Inilathala ni: Jeralaine G. Larios

Petsang Inilathala: Hulyo 9, 2025

Oras na Inilathala: 12:20 PM



Sa larong tagu-taguan, mahirap makipag kompetensya sa mga beterano—ang mga magulang na kumakapit sa tradisyon, ang lipunang mayroong hinahawakang pamantayan, at ang simbahan na siyang nagsisilbing hukuman. Alam ng bawat isa kung saan ka dapat na magtago: sa ngiting pilit sa hapag-kainan, sa kontroladong pagkilos sa loob ng paaralan, o sa pagpapanggap na ikaw ay nangungutya rin ng mga tulad mo para lamang makisabay at hindi paghinalaan.


Ngunit paano kung ang itinatago mo ay hindi lamang ang katawan, kundi ang iyong kaluluwa mismo? Paano kung ang laro ay hindi lamang taguan kundi tuluyang paglaho—hindi upang matagpuan, kundi upang ang sarili ay hindi mawala ng tuluyan?


Ito ang reyalidad ng napakaraming kabataang parte ng LGBTQ+ sa Pilipinas, partikular na ang mga transfeminine at transgender girls, na lumalaki sa gitna ng matinding diskriminasyon. Sa bawat tahimik na hapunan, sa bawat tinging may tanong ngunit walang pagtanggap, sa bawat patakarang hindi isinasaalang-alang ang kanilang pagkatao—unti-unti silang kinakalos ng mundong kailanma'y hindi lubos na naging kanila. Mula sa kanilang mga tahanan, sa loob ng paaralan, at lipunang kanilang ginagalawan, paulit-ulit sila na itinutulak palayo sa kung sino talaga sila.



𝗡𝗢𝗦𝗜 𝗕𝗔 𝗟𝗔𝗦𝗜

Sila ang mga hindi umaamin—hindi rin nagawang tanungin. Ngunit alam nila, at ng mga tao sa paligid nila ang katotohanang pilit na isinasantabi. Ang sulyap ng kanilang ama sa tuwing pinipilit nila ang magsalita nang mas mahina. Tahimik. Walang imik. Ngunit puno ng pagsuway.


Tulad ng napakaraming LGBTQ+ sa Pilipinas, lalo na ang mga transfeminine at transgender youth, madalas nilang nararanasan ang maltreatment mula sa mga miyembro ng sarili nilang pamilya—isang uri ng karahasan na bihirang maisumbong ngunit may sugat na napakalalim. Ayon sa pag-aaral ng The Trevor Project (2024), malaking porsyento ng kabataang LGBTQ+ sa Pilipinas ang nakararanas ng diskriminasyon sa sariling tahanan, ngunit hindi rito nagtatapos ang kwento nila.


Habang pinipilit nilang manahimik, unti-unti namang nabubura ang bahagi ng kanilang mga sarili. Ang tahanan na dapat ay nagiging kanlungan ay siya ring lumalamon sa kanila. Sa ganitong katahimikan, saan pa kaya sila kakapit?



𝗪𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗨𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗡𝗜𝗟𝗔

Hindi naman pinalalayas ngunit ramdam nila ang kawalan ng espasyo sa loob ng tahanan. Buhay pa ngunit para na lamang mga multo kung ituring. Araw-araw, ipinararamdam na sila ay labis, mali, hadlang, at makasalanan. Minsan ay sa biro, madalas sa katahimikan. Sa bawat araw na lumilipas, tila nilalagnat ang mga puso sa lamig ng pagtrato. 


Ayon sa isang qualitative study nina Puckett et al. (2017), maraming LGBTQ+ youth ang nagsabing pakiramdam nila'y hindi sila nakikita ng kanilang sariling pamilya. Hindi dahil hindi sila minamahal, kundi dahil hindi sila lubos na tinatanggap.


At kapag ang tahanan ay naging bilangguan, saan at paano pa kaya sila makalalaya?



𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗡𝗔𝗚-𝗜𝗜𝗦𝗔, 𝗠𝗔𝗥𝗔𝗠𝗜 𝗦𝗜𝗟𝗔

Kadalasan silang tinatawag na "bading"—hindi bilang pagkilala, kundi bilang insulto. Laging may "pero" sa bawat pagyakap: “Mahal ka namin .. Pero huwag mo kaming ipahiya.” Kahit gaano sila kabait, kahit gaano kagaling sa klase, may kulang pa rin—hindi nila kayang ituwid ang "liko" sa paningin ng lipunan.


Sa ulat ng The Trevor Project (2022), 63% ng LGBTQ+ youth sa buong mundo ang nag-ulat ng suicidal ideation dahil sa paulit-ulit na diskriminasyon. Sa Pilipinas, ang dami ng mga kabataang hindi nakapagsasalita ukol sa kanilang karanasan ay nagiging sanhi ng lumalalang mental health crisis sa loob ng sektor na ito.


Kaya’t sa bawat batang pinatahimik, may isa pang batang tuluyang napagod.


Sa huli, hindi naman sermon ang kailangan kundi mga taong handang tumingin nang diretso sakanila—nang walang takot, pagdududa, at walang panghuhusga.



𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗡𝗔𝗠𝗔𝗡 𝗞𝗔𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚𝗔𝗡‘𝗬𝗔𝗡!

Sa kabila ng mga salaysay at datos, nananatiling walang batas na ganap na nagpoprotekta sa LGBTQ+ community sa Pilipinas. Hanggang ngayon, tinututulan pa rin ng ilang mambabatas ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill.


Katulad na lamang ng pahayag ni Senate President Vicente Sotto III noong 2019, na ayon sa kaniya, redundant na raw ito dahil may umiiral nang mga batas na para sa lahat. Ngunit kung ang mga batas na ito ay epektibo, bakit patuloy pa rin ang diskriminasyon? Bakit hanggang ngayon, may mga batang LGBTQ+ na pilit na nagtatago, nalulugmok, at tuluyang bumibitaw?


Hindi sapat ang kasalukuyang mga batas kung ang mismong karanasan ng mga LGBTQ+ ay hindi nito binibigyang pagkilala.


Hindi ito simpleng usapin ng legalidad—ito’y usapin ng pagkatao. Ang mga kabataang ito ay hindi humihingi ng espesyal na trato. Ang hiling lang nila: ang mabuhay nang may dignidad, paggalang, at kaligtasan.



𝗠𝗔𝗞𝗜𝗧𝗔, 𝗠𝗔𝗨𝗡𝗔𝗪𝗔𝗔𝗡, 𝗪𝗔𝗟𝗔 𝗡𝗔𝗡𝗚 𝗜𝗕𝗔

Wala naman silang gustong labagin o apakan. Ang nais nila ay simpleng pag-intindi—tulad ng kung paanong nauunawaan nila ang mundo sa kabila ng mga sakit na ipinatong sa kanila. Hindi nila kailangan ng pagwawasto, dahil wala silang mali. Narito sila hindi para itago, kundi para makita. Hindi para ayusin, kundi para tanggapin.


𝘋𝘢𝘩𝘪𝘭 𝘴𝘢 𝘭𝘢𝘳𝘰𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘨𝘶-𝘵𝘢𝘨𝘶𝘢𝘯, 𝘱𝘢𝘯𝘢𝘭𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢𝘵𝘢𝘨𝘱𝘶𝘢𝘯. 𝘗𝘦𝘳𝘰 𝘴𝘢 𝘬𝘸𝘦𝘯𝘵𝘰 𝘯𝘪𝘭𝘢, 𝘢𝘯𝘨 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘮𝘢𝘵𝘢𝘨𝘱𝘶𝘢𝘯 𝘢𝘺 𝘵𝘶𝘭𝘶𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘭𝘪𝘭𝘪𝘮𝘶𝘵𝘢𝘯. Hindi nila kailangang itama. Ang kailangan nila ay ang taong tatayo, titingin, at magsasabing: “Nandito ako. Nakikita kita.”


Mula sa atin—kilalanin, unawain, at tanggapin ang kabataang LGBTQ+. Suportahan ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill. Sa mga paaralan, sa mga simbahan, at maging sa pamahalaan. Maging tinig tayo sa katahimikan. Walang bata ang dapat matutong matakot sa kung sino siya. Dahil ang batang pinilit matakot sa sarili ay parang bituing ikinubli sa sariling langit.



MGA SANGGUNIAN: 

[1] The Trevor Project. (2022). 2022 National Survey on LGBTQ Youth Mental Health.https://www.thetrevorproject.org/survey-2022/


[2] The Trevor Project. (2024). Philippine National Survey on the Mental Health of LGBTQ+ Young People https://www.thetrevorproject.org/survey-international/ph/2024/en/                            


[3] Meyer, I. H. (2003). Prejudice, social stress, and mental health in lesbian, gay, and bisexual populations: Conceptual issues and research evidence. Psychological bulletin, 129(5), 674.) https://psycnet.apa.org/record/2003-99991-002


[4] Sotto, V. (2019, September 30). Sotto: At least 15 senators are against Sogie bill. https://newsinfo.inquirer.net/1171386/sotto-at-least-15-senators-are-against-sogie-bill/amp


[5] Roxas, I. A. (2023). Why are LGBTQIA+ people in the Philippines still waiting for an anti-discrimination law? https://views-voices.oxfam.org.uk/2023/06/lgbtqia-philippines-still-waiting-for-anti-discrimination-law/

 

[6] The Philippine Fact Sheet (2023) Impacts of Ageism and Lifelong Discrimination on Older LGBT. https://www.sageusa.org/lgbti-elders-advancing-initiative-landscape-survey-data-from-the-philippines-nepal-costa-rica-and-el-salvador/

No comments:

Post a Comment