Oras na Inilathala: 6:53 AM
Tahimik man sa ibabaw, may sumisigaw pa rin sa kailaliman. Isang magandang umaga ang palaging sumasalubong sa mga residente ng Taal. Sa kalmadong lawa ay sumasalamin ang kagandahan ng bughaw na kalangitan. Ngunit sa ilalim ng kagandahang iyon ay mayroong repleksyon na unti-unti nang lumalantad, isang madilim na lihim sa bumabagabag sa damdamin ng buong bayan; ang mga hindi matagpuang sabungero.
Mula Abril 2021 hanggang Enero 2022, putok sa balita ang pagkawala ng tatlumpu’t apat (34) na kalalakihan sa kalat na parte sa lalawigan ng Luzon: Laguna, Batangas, at maging sa Bulacan. Hindi basta basta ang pagkawala. Hindi aksidente. Hindi simpleng pagkawala. Marami sa kanila ay mayroong koneksyon sa tinatawag na 𝘦-𝘴𝘢𝘣𝘰𝘯𝘨, isang 𝘰𝘯𝘭𝘪𝘯𝘦 𝘧𝘰𝘳𝘮 ng tradisyonal na sabong na uminit sa panahon ng pandemya.
Tuluyan na lamang silang naglaho na parang bula, naiwan ang bawat pangarap sa mga pamilya na walang kasiguraduhan kung makikita pa ba sila ulit nang buo at buhay. Kaya nananatili pa rin ang katanungan ng marami: "Saan sila dinala?”
𝗦𝗜𝗡𝗢 𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗦𝗔 𝗟𝗜𝗞𝗢𝗗 𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗥𝗜?
Kung mayroong mga tumestigo, malamang ay may mga itinuturong sangkot dito. Ngunit sino nga ba ang nasa likod ng madugong operasyong ito?
Ayon kay Julie “Dondon” Patidongan, isang dating insider sa 𝘦-𝘴𝘢𝘣𝘰𝘯𝘨. Ayon sa kaniya, hindi nawala ang mga sabungero na parang bula; pinatay at sadyang itinalon sa lawa ng Taal dahil sa mga naging alitan at panloloko sa mga 𝘰𝘯𝘭𝘪𝘯𝘦 pustahan.
Kasunod niya, isang lalaki rin ang sumulpot, si alyas “Totoy” na nagbahagi rin ng nakapaninindig balahibong detalye: sinakal umano ang mga biktima, isinilid sa sako, nilagyan ng pabigat ang ilan at tsaka inihulog sa kailaliman ng lawa. Ani pa niya, maaaring higit sa 100 katawan ang nasa ilalim ngayon ng mistulang kalmadong lawa, isang tahimik na libingan sa gitna ng bulkan.
Ibinunyag din ng mga testigo ang pagkakasangkot ng negosyanteng si Charlie "Atong" Ang at ang sikat na aktres na si Gretchen Barretto na sinasabing bahagi sila ng nasabing 𝘦-𝘴𝘢𝘣𝘰𝘯𝘨 operations. Pareho nilang mariing itinanggi ang mga paratang.
Mas nagiging malalim pa ang kwento habang patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon. Tumataas ang pangamba. Kung totoo nga ba talaga ang sinasabi ng mga testigo, paano ito nakalampas sa mga awtoridad sa loob ng napakaraming taon? At gaano nga ba kalawak ang implikasyon nito sa ating sistema pagdating sa katarungan?
𝗠𝗔𝗬 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗜𝗟𝗢𝗦 𝗕𝗔 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗛𝗔𝗟𝗔𝗔𝗡?
Sa gitna ng umuusbong pag-iyak ng mga pamilya at lumalawak na sigaw ng publiko, naglunsad ng imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) kabilang ang kamautan na underwater search. Ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay nag alok ng teknolohiya para sa isang sonar mapping at search operations habang ang Philippine Navy at Coast Guard ay handa na para sa 𝘳𝘦𝘵𝘳𝘪𝘦𝘷𝘢𝘭 𝘮𝘪𝘴𝘴𝘪𝘰𝘯. Ang Pilipinas naman ay humingi din ng tulong sa Japan para sa Remotely Operated Vehicles (ROVs) upang mas masuri ang kailaliman ng lawa.
Ngunit ang lahat ng ito ay hindi naging madali. Bukod sa lakim ng lawa, sumabay pa ang banta ng volcanic activity at poor visibility sa ilalim. At higit sa lahat, tila mayroong hindi nakikitang pwersa na tila pumipigil sa paghahanap ng katotohanan. Minsan, mas mabilis pa ang paglubog ng hustisya kaysa sa mismong katawan ng mga nawawala.
𝗘𝗣𝗘𝗞𝗧𝗢 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗟𝗢𝗞𝗔𝗟
Hindi lamang pamilya ng mga nawawala ang naaapektuhan, maging ang mga residente ay apektado rin sa isyung ito.
Ang mga mangingisda’y unti-unting nawalan ng hanapbuhay. Ang noo’y masiglang turismo, ngayo’y lumamlam na. Ang sigla ay tuluyang naglaho sa komunidad. Sa halip na pag-asa, takot at pangamba ang bumalot sa kanilang paligid.
Ang lawa na noon ay sagisag ng ganda at buhay, ngayon pinaghihinalaang naging tahanan ng bangkay.
𝗛𝗜𝗬𝗔𝗪 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗧𝗔𝗥𝗨𝗡𝗚𝗔𝗡!
Habang patuloy ang imbestigasyon, mas lumalakas naman ang sigaw para sa hustisya. Ang bawat araw na dumaraan ay tila pangalawang pagkamatay para sa mga naiwang pamilya. Walang bangkay, walang puntod, walang kasagutan. Ang mga patak ng luha ng ina, hiyaw ng anak, at panalangin ng mga asawa ay nagsusumamo ng iisa: sana managot ang may sala.
Wala pa rin ang kasagutan sa matagal na nilang katanungan.
𝗞𝗔𝗧𝗔𝗛𝗜𝗠𝗜𝗞𝗔𝗡 𝗡𝗔 𝗟𝗔𝗠𝗔𝗡𝗚 𝗕𝗔 𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗜𝗕𝗜𝗡𝗚𝗔𝗡?
Sa bawat patak ng tubig sa lawa ay kasabay ang alaala ng mga sabungerong bigla na lamang nawala. Ngunit ang tanong ng marami; hanggang kailan mananatili ang katahimikan?
Hindi sapat ang basta paglingon sa mga balitang lumulutang, dahil sa ilalim ng bawat ulat ay mga pamilyang lumuluha, mga tanong na matagal nang hinahanapan ng kasagutan, at isang lipunang matagal nang nilalamon ng takot. Hindi lang ito basta mga nawawalang pangalan sa listahan. Ito’y mga buhay na pinigilan, mga pamilyang iniwan, at isang sistemang walang boses kailanman.
Habang palalim nang palalim ang imbestigasyon, sana’y hindi mapaos ang boses ng mga nawawala. Huwag natin hayaang ang kanilang sigaw ay mailibing sa katahimikan. Gawin natin itong mitsa; mitsa ng pagbangon, ng pagbabago, ng paninindigang hindi matitinag.
At kung ang Lawa ng Taal man ay tunay na naging tahanan ng masalimuot na karahasan, gawin natin itong salamin ng tapang. Huwag sanang hayaan ng bawat isa na ito ay maging libingan na lamang ng hustisya, bagkus ito sana ay maging simbolo ng pagiging isa at paghahanap ng buhay sa gitna ng kamatayan.
MGA SANGGUNIAN:
[1] GMA News Online. (2025, July 6). DOST willing to help search for missing sabungeros' remains in Taal Lake. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/951617/dost-willing-to-help-search-for-missing-sabungeros-remains-in-taal-lake/story/
[2] People Staff. (2025, July 3). Authorities searching volcanic lake for 34 missing gamblers as suspect hints it contains over 100 bodies. People Magazine. https://people.com/authorities-serach-volcanic-lake-missing-men-suspect-hints-more-than-100-bodies-could-be-found-11758151
[3] Philstar.com. (2025, June 20). Bangkay ng 34 missing sabungeros, pinapasisid ng DOJ sa Taal Lake. https://www.philstar.com/headlines/2025/06/20/2451872
[4] The Times. (2025, July 4). Murder mystery of missing Filipino cockfighters takes new twist. https://www.thetimes.co.uk/article/murder-mystery-missing-cockfighters-philippines-mb26v9bq8
[5] Wikipedia contributors. (2025). 2021–2022 Luzon sabungero disappearances. Wikipedia. https://en.wikipedia.org/wiki/2021%E2%80%932022_Luzon_sabungero_disappearances
[6] Manila Standard. (2025, July 5). Tourism in Taal coastal towns hurting from missing sabungeros search. https://manilastandard.net/news/314615580
[7] Tribune.net.ph. (2025, July 8). Navy ready to dive into Taal Lake in search for missing sabungeros. https://tribune.net.ph/2025/07/08/navy-ready-to-dive-into-taal-lake-in-search-for-missing-sabungeros
No comments:
Post a Comment