Disenyo ni: Mark louie Pocot
Inilathala ni: Rich Antonette Pescasiosa
Petsang inilathala: July 21, 2025
Oras na inilathala: 9:38 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagdiskubre at pagtanggap ng iyong tunay na halaga sa buhay ng isang tao.
Hindi kita kayang multuhin. Isang biyaya ang katotohanan na hindi kita mumultuhin. Hindi dahil sa hindi ko gugustuhin—batid ng sanlibong tala ang aking mga kahilingang halos umapaw sa iyong ngalan. Hindi kita maaaring multuhin—hindi kita kayang multuhin dahil kinailangan kong lunukin ang katotohanan na ngayon pa lamang na hawak mo pa ang aking presensya, paulit-ulit mo na akong nakalilimutan. Hindi ka matatatakot sa anino ng nakaraang hindi mo napahalagahan, hindi ka babangungutin ng isang bagay na kailanma’y hindi mo napanaginipan. Ang mga bubog ng alaala na tanging ako lamang ang nagkakandarapang pumulot, ngayo'y naitapon na. Lahat ng aking istorya ay mula sa radyong sira na tila ang antena'y tungkol lamang sa ating simula, at kadalasan, ang mga bagay na sira ay kaagarang binabasura. Aking isinaad sa'king sarili na ako'y maghihiganti, pupunuin kita ng tamis na ‘sing sarap ng mga tsokolate, ang bawat patak ng iyong mga luha’y aking pupunasan, hahayaan kitang humimlay sa’king bisig na ‘sing lambot ng unan—saka ako biglang lilisan. Masama mang pakinggan ang lahat ng aking nararamdaman, ngunit alam natin kung paano mo ito sinimulan. Sa mga maliliit na bagay mo ako unti-unting binitawan; 'di maalalang unang pagkikita, ang palad n'ya sa iyong kamay, nakaligtaang ating mga plano't okasyon, mga pirasong magsasaad na wakas na ang sinimulang istorya noon. Sa aking pagkawala sa isang kisapmata, hindi mo iyon agarang madarama. Hindi guguho ang iyong mundo kung tuluyan ngang hindi mo na makita ang bagay na hindi mo hiniling na manatili o lisanin ka. Noon pa lang ay masyado ng magaan ang pulupot ng iyong kamay sa aking pulso’t napakaluwag kung iyayapos sa aking tagiliran. Kaya hindi mo dapat katakutan ang multo ng taong inubos mo ang damdamin noong sa bisig mo’y buhay pa. Dahil hinding-hindi ka hahalukayin ng aking kaluluwa. At kung dumating man ang panahon na pilitin ng katotohanan na s'ya ay iyong harapin, kung saan iyong makikita na ako’y matagal ng naka-alpas at tanging sumasaglit na lang sa iyong piling. Sana ay hindi iyong masamain, dahil ang pulang sinulid na nakapalibot sa'king pulso’y humihigpit at sumasakit sa tuwing sa iyong mga mata’y tumitingin. Nawari ko na ang mga bagay na kinailangan kong malaman kahit hindi ko ito kagustuhan. Tinanggap at pinalaya ko na ang iyong katauhan—sinusubukan ko pa ring bawasan ang iyong kabuluhan. Ngunit wala na akong maiaalay pa, hindi ko na rin kayang makita ang aking sarili na ibubuhos pa sa'yo ang nasabing pagsinta. Dalawampu’t apat na buwan na ang dumaan bago ko tuluyang hayaan ang hangin na tangayin ang aking dalisay na damdamin papalayo sa mga nabuo natin. Huwag mong subukang hagilapin ang multo kong takot at iwas na iwas sa presensya mo. At kung ikaw nga’y mapuno ng mga paano’t bakit, huli na ang lahat dahil ako’y hinding-hindi na magbabalik.
No comments:
Post a Comment