Disenyo ni: Chris Yuan Macay
Inilathala ni: Jeliana Atabay
Petsang Inilathala: Agosto 28, 2025
Oras na Inilathala: 7:00 AM
Gaano pa ito pwedeng lumala? Ilang tao pa ba ang masasaktan para malaman ng mga opisyal na ang paraan nila ay sumusobra na? Ang red-tagging —ang pag-akusa sa mga indibidwal at organisasyon bilang mga komunista o taga-suporta ng komunismo —ay nananatiling isang seryosong suliranin.
Pinapaliit ng red-tagging ang espasyo para sa kalayaan sa pagpapahayag at samahan. Ginagamit ito ng mga opisyal ng gobyerno at ng kanilang mga kaalyado upang takutin o patahimikin ang mga kritiko.
Patuloy na nagbabala ang Commission on Human Rights na ang red-tagging ay naglalagay sa mga indibidwal sa panganib ng iligal na pag-aresto, sapilitang pagkawala, o pagpatay. Maraming biktima —mula sa iba’t ibang sektor —ang nakakaranas ng red-tagging bago dumanas ng matitinding paglabag sa karapatang pantao.
Talagang patuloy ang paggamit ng mga opisyal ng gobyerno sa imahe ng komunismo para lang hindi makita ng bayan ang paglabag nila sa karapatang pantao. Pinapakita ng gobyerno na dahil lang kaalyado o nakapanig ang isang tao sa komunismo, ito na ay isang terorista o criminal na dapat ikulong o patayin agad. Hindi ba’t parang tinatanggal ng mga opisyal ang diwa ng demokrasya sa ating bansa dahil sa mararahas nilang paraan ng paggamit sa imahe ng komunismo laban sa mamamayanang kritiko nila? Sinabi ng Human Rights Watch na ang red-tagging ng mga katutubong pinuno at aktibista ay madalas nagiging sanhi ng pagkamatay nila. At isang mabisang halimbawa nito ang ‘Bloody Sunday’ noong Marso 7, 2021 sa Calabarzon, kung saan siyam na aktibista ang napatay matapos silang i-red tag bilang konektado sa komunismo—na inilarawan ng UN bilang “marahas at walang basehang pagpatay.” Makatarungan ba ang pagpatay ng mga opisyal sa mga taong nakasang-ayon sa komunismo? Handa ang mga opisyal na lumabag laban sa demokrasya ng ating bansa para lamang patalsikin ang kanilang mga kritiko. Sa ilang antas, kaya nilang pumatay ng mga inosente para lamang mapatalsik ito.
Ayon sa Human Rights Watch, ang mga lider at kasapi ng unyon ay nakakaranas ng panliligalig, pagbabanta, at kung minsan ay pinilipit na alising ang kanilang mga organisasyon dahil sa mga paratang na may kauganayan sila sa komunismo. Mula noong 2016, 72 aktibista ng unyon na konektado sa Kilusang Mayo Uno (KMU) ang napatay.
Sa ganitong paraan, ipinapakita ng mga opisyal ng gobyerno na handa silang gumamit ng mga pamamaraang lumalabag sa karapatang pantao para lang pigilan at patahimikin ang kanilang mga kritiko gamit ang imahe ng komunismo sa bansang ito. Ganito na ba ang Pilipinas ngayon —na ang mga lingkod-bayan ay kayang lumabag sa batas dahil sa dami ng kanilang mga kritiko? Ang mas Malala, pagpatay pa ng mga inosente ang nagiging paraan ng kanilang paglabag. Nasaan na ang demokrasya sa ating mga linkod-bayan kung kaya nilang gumamit ng mga mararahas na pamamaraan upang patalsikin ang kanilang mga kritiko? Sa mismong aktong pagtatalsik pa lamang nga kanilang mga kritiko, ito’y nakapagtataka na para sa ating demokrasya bilang isang bansa.
Sa harap ng patuloy na red-tagging, malinaw na hindi ito simpleng usapin ng maling akusasyon. Ito ay isang sistematikong taktika ng panununupil. Habang patuloy na binabaluktot ng mga nasa kapangyarihan ang imahe ng komunismo upang takutin at patahimikin ang mga kritiko, mas lalo lamang nilang inilalantad ang kawalan ng malasakit sa karapatang pantao. Ilan pa bang buhay ang kailangang mawala bago nila kilalanin ang pag-aabuso? Panahon na upang manindigan: ang pananahimik ay pagpapalampas, at ang pagkilos ay tungkulin ng bawat isa. Hindi na tayo dapat manahimik. Panahon na upang ipaglaban ang ating karapatan bilang isang malayang, demokratikong bayan. Hindi natin dapat palampasin ang mararahas na taktika ng pagpigil laban sa mga kritiko ng pamahalaan. Kailangang itaguyod natin, hindi lang ang ating karapatang pantao at kalayaan sa pagpapahayag, kundi pati ang karapatang umakma sa anumang paniniwala —kabilang ang progresibo o makakaliwang pananaw—nang hindi tinatakot o tinuturing na kriminal. Bilang mga mamamayan, tungkulin nating manindigan: ang ating demokrasya ay hindi tunay kung takot ang namumuno.
Mga Sanggunian:
[1] Commission on Human Rights.(n.d.). Red-tagging. Commision on Human Rights of the Philippines. https://chr.gov.ph/chr-tag/red-tagging-2/
[2] Human Rights Watch. (2024, September 25). Philippines: Dangerous ‘red-tagging’ of labor leaders. https://www.hrw.org/news/2024/09/25/philippines-dangerous-red-tagging-labor-leaders
No comments:
Post a Comment