Wednesday, August 13, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Ano kaya ang kukunin kong kurso sa kolehiyo?” ni Summer Pasadilla

 


Disenyo ni: Cristian Tulisana

Inilathala ni: Shaina Pajarillo 

Petsang inilathala: Agosto 13, 2025

Oras na inilathala: 9:30 AM


Kategorya: Prosa

Paksa: Panloob na tunggalian ng isang estudyante sa pagitan ng pagpili ng kurso base sa praktikalidad at silakbo ng damdamin.


Isang tanong. Isang napaka-simpleng tanong. Pero bakit gano’n? Bakit ang bigat na para bang buong buhay ko ay nakasalalay sa sagot dito? Isa itong tanong na matagal nang nasa isipan ko, paulit-ulit, araw-araw, sa bawat gabi na hindi ako makatulog, at sa bawat katahimikan ng mga sandali na biglang bumibigat ang pakiramdam ng dibdib ko.


Ano kaya ang kukunin kong kurso sa kolehiyo?


Hindi ako galing sa STEM strand. Hindi ko pinili iyon dahil sa takot, kundi dahil alam ko sa sarili ko na hindi talaga para sa akin ang mga numero, pormula, at makabuluhang aralin na mayroon ang matematika at agham. Mas buhay ako kapag may hawak akong lapis at papel, kapag nakikinig ako sa musika, at kapag nagsusulat ako ng mga kwentong ako lang ang nakakaintindi sa simula. 


Ngunit habang papalapit ang kolehiyo, mayroong mga sinasabi ang mga tao sa paligid na tumatak sa aking isipan. Lagi nilang sambit, "Kumuha ka na lang ng kursong medisina o maging inhinyero ka. Doon ang pera."


"Anong magagawa ng pagsusulat kung mababa lamang ang sahod na kikitain mo pagtanda mo?"


"Sapat ba 'yang passion mo para maiahon tayo sa kahirapan?"


Bagamat mabigat itong marinig, hindi ko sila masisi, lalo na kung galing ka sa pamilyang kapos, na isang sahod lang ang bumubuhay sa lahat, na laging pumipila sa iba't ibang ahensya at organisasyon para lang makakuha ng iskolarsip, at mas inuuna ang magtipid para sa bigas kaysa sa papel mong unti-unti nang nauubos.


Gusto kong tulungan ang pamilya kong makaahon sa hirap at makita ang mundong hindi baon sa utang at hindi problema ang pera. Gusto kong umabot na sa punto na hindi na kailangan magtipid para mabili ang gustong laruan ng nakababatang kapatid, panahong hindi na kailangan ni nanay umalis ng bahay araw-araw para maglabada, at hindi na kailangan ni tatay magpasada sa tricycle hanggang hatinggabi.


At para makamit ko iyon ay kailangan kong piliin ang mga kursong praktikal, mga kursong siguradong may maibibigay na magandang kinabukasan at mataas na sahod—kadalasang Engineering, Nursing, Architecture, at iba pa.


Pero paano kung hindi ako masaya roon? Paano kung araw-araw akong papasok sa klase ko na walang motibasyon at hindi minamahal ang ginagawa ko? Paano na lang kung mabuhay ako nang komportable pero hindi naman ako nagpapakatotoo sa sarili ko?


May parte sa akin na pilit na sumusuko at sinasabing, "Magtrabaho ka na lang para sa pamilya mo para hindi ka patuloy na maghirap pagtanda mo." Ang sabi naman ng isang parte na hindi matahimik, "Hanggang kailan mo pipigilan ang sarili mong maging masaya para lang sa kinabukasan ng iba?" 


Hindi ko na alam ang tama at mali. Sa totoo lang, pagod na pagod na akong mag-isip. Pagod na akong makarinig ng opinyon ng ibang tao. Ang gusto ko na lang ngayon ay marinig ang sarili ko, kung ano ba talaga ang tatahakin ko, pero kahit sarili ko ay hindi ko maintindihan. Paano na 'to?


Ang mayroon lang siguro ako ngayon ay ang sarili kong boses. Tahimik man pero ito'y buo. At kahit ako'y naguguluhan na sa daang tatahakin ko para sa aking kinabukasan , isa lamang ang alam ko—hindi ko dapat kalabanin ang sarili ko. Kailangan ko siyang pakinggan, dahil sa huli, ako ang mamumuhay sa haharapin ko. Ako ang magigising araw-araw para rito at magdadala ng bigat o ginhawa ng desisyong pipiliin ko. At sana, kung kailanman dumating ang araw na iyon, masasabi ko sa sarili ko na, "Pinili mo ito at hindi mo pinagsisihan. Tama ang desisyong ginawa mo."



PINAGKUHAAN NG IMAHE:


[1] iStock (n.d) Standing woman on white [Image] iStock https://www.istockphoto.com/photos/surprised-standing-woman-on-white


[2] Policy Writer (n.d) Nursing Services [Image] Policy Writer

https://www.policy-writer.com/policies/nursing-services/


[3] Workplace Health and Safety (n.d) Health and Safety Pre Audit [Image] Workplace Health and Safety

https://www.workplacehealthandsafety.co.nz


[4] LinkedIn (2025, May 05) The 6 Common Mistakes in Specifying ERVS https://images.app.goo.gl/MM8HabGC4B9wZvM1A

No comments:

Post a Comment