Disenyo ni: John Mclen Dolor
Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag
Petsang Inilathala: Agosto 13, 2025
Oras na Inilathala: 9:22 AM
Ulan dito, ulan doon. Iyan ang kasalukuyang panahon na nararanasan ng mga Pilipino. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang tag-ulan sa bansa ay nagaganap sa loob ng buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre, na madalas ay dulot ng mga bagyo.
Sa loob ng mga nasabing buwan, ang pagdadala ng payong, bota, o kapote ay hindi mawawala sa tseklist ng mga tao. Dagdag pa rito ang mga putahe tulad ng champorado at sopas na tila mas nakatatakam kapag malamig ang ihip ng hangin at patuloy na naririnig ang pagpatak ng ulan. “Cuddle weather,” kung tawagin, sabayan mo pa ng mainit na kape at wala ka nang hahanapin pa. Datapwat sabihin mang masama ang panahon, iba pa rin ang pakiramdam, iba pa rin ang ginhawa na dala ng tag-ulan.
Subalit, kung saan may liwanag, naroon din ang dilim. Dahil para sa iba, hindi ginhawa o masarap na ulam ang naghihintay sa kanila tuwing malakas ang ulan at ang sibol ng hangin, kundi’y takot, basang damit, at mga gabing ’di matahimik. At sa gitna ng pagpatak ng ulan, dumarating ang mga pagsubok na kaakibat ng panganib, tulad na lamang ng pag-apaw ng tubig. Kasunod ng malamig na panahon ay ang mga lansangang lubog sa baha, kabuhayang pinadapa, at mga pangakong napabayaan.
LUBOG SA TUBIG AT PINSALA
Bagamat isang kapuluan ang ating bansa at mayaman sa mga anyong-tubig, wari’y ito ay nadaragdagan pa dala ng matinding ulan. Ang mga kalsadang nilalakaran ay naglalaho sa ilalim ng naipong tubig. Ang mga sasakyang dumaraan ay napapalitan ng mga bangkang karaniwang itinutulak o hinihigit.
Sa kasamaang palad, madalas sa mga pagbahang ito ay malalim. Hindi lang abot-tuhod, abot-bewang, o abot-leeg. Sapagkat sa gitna ng mapaminsalang unos, may posibilidad na tumaas ang lebel ng baha, lagpas pa sa kayang tawirin.
Taon-taon, tinatayang dalawampung tropical cyclones ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility, ayon sa PAGASA. Ang mga nasabing tropical cyclones na ito ay maaaring lumakas at magdulot ng malawakang pag-ulan, pagbaha, at iba pang pinsala. Halimbawa na lamang ay ang Bagyong Carina noong 2024, na nakaapekto sa mahigit anim na milyong indibidwal at nagsanhi ng apatnapu’t anim na bilang ng mga nasawi.
Sa mata ng ilan, ang pagbaha ay higit pa sa simpleng pag-apaw ng tubig. Ito ay isang dilubyong tahimik, marahas, at kumikitil—ng kahit ano, kahit sino, at kahit kailan. Kasabay ng unti-unting pagtaas ng tubig ay ang unti-unti ring pag-akyat ng pangamba, lagim, at panibagong panganib. At kahit lumipas man ang araw at humupa na ang baha, hindi pa rin maibabalik ang mga naanod na pangalang hindi na muling matatawag pa.
Ngunit hindi lamang sa kalsada natatapos ang perwisyo ng bagyo, dahil umaabot din ito sa mga lugar kung saan pati ang tubig at lupa na pinagkukunan ng pagkain ay nadadamay.
KABUHAYANG TINANGAY NG HANGIN
Maraming Pilipino ang umaasa sa agrikultura upang kumita at mabuhay. Kabilang na rito ang mga magsasaka at mangingisda. Gaano man kainit ang tirik ng araw, kaya nilang tiisin dahil bawat tanim o bawat huli ay may maiaambag sa pambili ng pagkain. Walang sawang pagpapalaot o pag-aararo ang bumubuo sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Subalit pag ang langit ay madilim at masama ang ihip ng hangin, hindi lang ang kanilang pananim o bangka ang nakasalalay—pati na rin ang kanilang paghahanapbuhay at pakikibaka na nagsisimula sa bukang-liwayway. Sa pananalasa ng bagyo, malakas ang alon at kapit-hibla na lamang ang mga ugat ng pananim sa lupa. Bukod sa nag-aalimpuyong tunog ng kulog, ang tahimik na pag-iyak ng pag-asa ay umaalingawngaw rin sa paligid.
Ngayong taon lamang, alinsunod sa datos ng National Irrigation Administration, umaabot ng humigit-kumulang na apat na raang milyong piso ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa habagat at Bagyong Crising. Tatlumpu’t isang libo, isang daan at pitumpu’t dalawang (31,172) hektarya at dalawampu’t tatlong libo, tatlong daan at walumpu’t limang (23,385) magsasaka ang naapektuhan ng nasabing bagyo.
Mahaba ang listahan ng mga suliraning kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa. Isa na rito ang masamang panahon o mga bagyo, kung saan hindi nila hawak kung ano ang maililigtas o mawawasak. Kasing bilis ng isang kisapmata, ang kabuhayang kanilang kinakapitan ay dumulas na sa mga kamay at nilipad ng malupit na hangin—at ang susunod na hakbang ay ang pagbangon ulit.
BASANG KANDILA
Pagkatapos ng ulan, muling sisikat ang araw. Dito na magsisimula ang paglilinis sa mga bakas na iniwan ng sakuna at pagbabalik sa dating-gawi. Makikilala ang mga istorya ng katatagan at pagpupunyagi. Magiging normal na muli ang takbo ng buhay, at ipagpapatuloy ang naudlot na araw-araw. Hanggang sa may dumating na namang bagyo at sa umpisa na naman ang balik.
Paikot-ikot, walang katapusan, at paulit-ulit. Para sa ilan, ang pagharap sa trahedya hanggang sa pagbangon ay nagiging siklo na para bang kasama na ito sa kalendaryo. Naglalaan ng pondo ang pamahalaan para sa rehabilitasyon at ayuda, habang nagpapatuloy ang pagsisikap ng mga mamamayan na makabangon. Bukas-makalawa, muling mararanasan ang pagbaha sa ilang lugar—parang kandilang sisindihan, pagkatapos ay ilulubog sa tubig.
Sa kasalukuyang taon, tatlong daan at animnapu’t bilyong piso ang itinalagang badyet para sa flood control projects. Subalit marami ang kumukuwestiyon dito, kabilang na ang ilang opisyales, dahil sa tuloy-tuloy na pagbaha na nararanasan pa rin ng mga Pilipino. Sa katunayan, may mga naghahangad nang imbestigahan ang isyung ito, tulad ni Senador Bam Aquino. “Flood control ang pangako, pero flood out of control ang inabot ng taumbayan. Kailangang busisiin natin nang husto kung nagamit ba sa tama ang bilyun-bilyong pisong pondo para sa flood control,” aniya sa isang panayam.
Mula rito, malinaw na ang paulit-ulit na pinsalang nararanasan ng ating bansa bunsod ng mga kalamidad ay isang problemang nangangailangan ng agarang aksyon at pansin. Kahit pa lantad sa bagyo ang lokasyon na ating kinatatayuan, walang dahilan para hayaan na lamang ang walang humpay na pagdating ng mga negatibong epekto nito.
Lahat tayo ay may gampanin sa pag-iwas sa mga kapahamakan na resulta ng mga kalamidad, kabilang na ang pamahalaan. Ngunit sa sunod-sunod na pagpasok ng bagyo at sunod-sunod na pagdurusang dulot nito, nananatiling bukas ang tanong kung sapat na nga ba ang mga hakbang na isinasagawa upang tugunan ito. Mula sa pagtaas ng baha hanggang sa paghupa nito, tila inaanod din ang mga solusyon at mga pangakong pagpuksa sa ganitong mga panganib. Sa kabila ng mga programa, lumulutang pa rin ang mga hinaing ukol sa paulit-ulit na epekto ng mga kalamidad. At sa huli, isang tanong ang nananatili: Ganito na lang ba palagi?
MGA SANGGUNIAN:
[1] Tropical Cyclone Information. (n.d.). PAGASA. https://www.pagasa.dost.gov.ph/inform.../climate-philippines
[2] Climate of the Philippines. (n.d.). PAGASA. https://www.pagasa.dost.gov.ph/.../tropical-cyclone...
[3] Argosino, F. (2024, August 4). Carina, habagat, Butchoy killed 46, displaced 6 million – NDRRMC. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/.../carina-habagat-butchoy...
[4] Gutierrez, P. (2025, July 22). Crop damage due to weather hits P340 million; 23,000 farmers affected. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/.../crop-damage-due-to-weather...
[5] Mangaluz, J. (2025, July 25). Where did the money go? Bam Aquino seeks probe on flood control projects. Philstar.com. https://www.philstar.com/.../where-did-money-go-bam...
No comments:
Post a Comment