Petsang Inilathala: Agosto 15, 2025
Oras na Inilathala: 9:10 AM
Kategorya: Prosa
Paksa: Ang pagkakaibigang natapos nang walang malinaw na dahilan.
Kailan nga ba tayo huling nagkausap? Hindi ko na maalala. Hindi ko na rin kasi alam kung kailan tayo huling nagtawanan hanggang sa tayo'y parehong napapaluha. Bakit gano'n? Wala namang away at wala namang naging dahilan, pero bigla na lang nawala.
Unti-unti tayong nawala sa isa't isa na para bang usok na unti-unting inaagaw ng hangin. Wala man lang pasabi o eksplanasyon, kahit pagtutol o paghabol, bigla na lang tayong nawala sa dati—hindi na tayo gaya ng dati.
Magkaibigan pa rin naman tayo sa Facebook. Nakikita ko pa rin ang pangalan mo sa friends list ko, pati na rin sa active status. Hindi nga lang ako sigurado kung magkaibigan pa rin ba tayo o kung isa ka na lang sa mga pamilyar na mukhang hindi ko na muling makakausap pa.
Minsan, dumadaan sa feed ko ang mga post mo. Mga litrato mo kasama mga bago mong kaibigan, mga lugar na noong una'y pinangarap nating puntahan nang magkasama, at mga medalyang nakuha mo na dati'y kinakalaban mo ako para makuha. Binabasa ko ang mga caption ng post mo, binibilang ko ang reactions, at tinitignan ko kung sino ang mga nagko-comment. Sa lahat ng 'yon, hindi ko pa rin kayang mag-like at mag-comment, kasi hindi ko alam kung paano.
Naiiyak na lang ako minsan dahil sa galit ko sa sarili ko. Wala ka namang ginawang mali, wala rin naman akong ginawang mali, pero hindi ko maintindihan kung paano nangyari na 'yung taong halos araw-araw kong nakakasama, kasabay kumain, kakwentuhan, at kausap hanggang madaling araw ay parang multo na lang na binabalik-balikan ko ngayon.
Totoo nga siguro 'yung sinasabi nila na, "Hindi lahat ng paglisan ay kailangang may ingay." Minsan, katulad mo, ang pinakamasakit ay 'yung mga dahan-dahan kang ibinura sa kwento ng isang tao nang hindi niya alam at hindi mo rin napapansin.
At heto na tayo ngayon. Magkaiba na ang landas, may sariling buhay, at sariling pagkakaibigan. Wala nang biglang aya at sabi ng "punta tayo sa Maynila para gumala," wala nang pang-aasar kapag umiiyak ako na "huwag ka na umiyak, ang pangit mo," at wala na 'yung mga kwentuhan na parang walang katapusan sa tagal.
Pero alam mo? Ayos lang, siguro. Natuto naman akong hindi lahat ng tao kailangang manatili. Hindi lahat ng alaala kailangang balikan. Minsan, sapat na 'yung naging magkaibigan tayo kahit panandalian lang. Sapat na 'yung kasiyahan at kalungkutan na nakita natin sa isa't isa, kahit sa huli'y naging tahimik na lang bigla ang lahat.
Kahit hindi tayo magkausap, sana alam mong may parte pa rin ng puso kong nandoon ka. Hindi ko man maamin sa'yo 'to noon, pero laking pasasalamat ko na naging kaibigan kita. At kahit hindi na tayo katulad ng dati, hindi ibig sabihin nu'n nakalimot na ako. Patuloy ko pa ring ipagdadasal na sana'y maging masaya ang buhay mo kahit wala na ako.
No comments:
Post a Comment