Tuesday, August 12, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Kung Magkita Tayong Muli” ni Kathleen D. Yambot

 

Inilathala ni Jeralaine G. Larios

Petsang inilathala: Agosto 12, 2025

Oras na Inilathala: 2:52 PM


Kategorya: Prosa

Tema: Pagpapaalam


Kung magkita tayong muli, hindi ko alam kung kakayanin ko bang hindi umiyak. 

Baka sa dami ng alaala, yayakapin na lamang kita ng mahigpit, hindi para bawiin ang lahat, kung di para maramdaman mo ulit—kahit sandali—na minahal kita nang totoo.

Hindi naging madali ang pagbitaw, lalo na sa isang katulad mong hindi kailanman naging dahilan ng sakit, kung di naging sandalan ko sa gitna ng ingay ng mundo. Maaga kitang minahal, hindi dahil sa mga salita mong magaan sa pandinig, kung di sa paraan mong intindihin ako kahit hindi ko sabihin ang bigat ng araw ko.


 Sa bawat tawag, sa bawat kwento mong paulit-ulit pero lagi kong pinakikinggan—doon ako unti-unting nahulog.


At oo, ako ang unang bumitaw. Ako ang unang nagtanong sa sarili kung sapat pa ba, kung maaari pa bang ituloy, kung p'wede pa bang ipilit. Pero hindi dahil kulang ka, kung di dahil alam kong hindi pa iyon ang panahon na kaya kitang mahalin sa paraang hindi ako mawawala sa sarili ko. Pinili kong masaktan ngayon, kaysa mas lumalim pa ang pagmamahal na hindi ko kayang panindigan.


Alam mo, kahit hindi kita pinili sa dulo, pinili pa rin kitang alalahanin—sa gitna ng gabi, sa bawat tanong na “Kumusta ka na?”, sa bawat araw na suot ko pa rin ang jaket mong iniwan. Amoy mo pa rin. Init mo pa rin. Parang yakap, parang ikaw—pero wala ka na.


Marami pa sanang puwedeng mangyari.

Gusto mo pa sana akong surpresahin sa kaarawan ko.

Gusto ko pa sanang sabihin na “Sige, ligawan mo ako.” Pero hindi na ako naghintay. Kasi alam kong habang mas pinatatagal ko, mas magiging mahirap para sa ating dalawa. Ayokong mahalin mo ako nang labis kung sa dulo'y, ako rin ang aalis.


At kung sakaling sa pagdaan ng panahon, tayo'y muling pagtagpuin — sana ay mas buo na tayo.

Sana mas handa. Sana hindi na natin kailangan pang itanong kung kailan magiging tama.


Pero sa ngayon, ito lang ang maaari kong ibigay:


Isang malinis na pamamaalam.

Isang yakap na hindi na kailangang habulin.

Isang “Salamat” na may kasamang pag-asa.

At isang “Paalam” na hindi puno ng galit, kung di ng pagmamahal na piniling hindi ipilit.

Kung magkita tayong muli, ngingitian pa rin kita.

Dahil minsan, naging masaya rin ako sa’yo.

At sana, naging masaya ka rin sa akin.

No comments:

Post a Comment