Tuesday, August 26, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Mga bulong ng Nakaraan“ ni Gee Anne Robles

 

Disenyo ni: Mark Louie Pocot

Inilathala ni: Jadelynn Arnigo

Petsang Inilathala: Agosto 26, 2025

Oras na Inilathala: 2:56 PM


Kategorya: Prosa

Paksa: Sa Pag-usad ng makabago, naiiwan ang mga bulong ng nakaraan.


Tahimik ang bayan. Hindi dahil wala nang gustong magsalita, kundi dahil masyado nang marami ang nais itago.

Sa bawat kalsadang nadaanan ko, may bakas ng dating sigaw—ng laban, ng pag-asa, ng pangarap. Ngunit ngayo’y tila bulong na lamang ang mga ito, palihim na inaapakan ng mga paang sanay na sa takot at paglimot. May mga istoryang hindi na ikinukwento, mga pangalan na hindi na nababanggit, at mga tanong na hindi na sinasagot upang hindi na balikan.

Nakakalungkot panoorin kung paanong ang ilan ay nililibing ang sariling ugat sa ilalim ng makintab na simento ng makabago. Ang mga alaala ng nakaraan ay itinuring na abala sa kasalukuyan, at ang mga sakripisyong minsan ay naging haligi ng bayan ay unti-unting nagiging alikabok na tinatangay ng hangin. Nakalimutan kung saan nagsimula, kung sino ang nagbuwis, kung anong wikang ginamit para isulat ang kasaysayan ng bayang ito. Marami sa atin ang marunong nang mangarap, pero kakaunti na lang ang marunong lumingon.

Tahimik ang bayan—ngunit sa ilalim ng katahimikan, nananatili ang pintig ng mga salitang nais kumawala. Baka nga masyado na tayong nasanay sa ingay ng mundo, kaya’t ang mga bulong ng nakaraan ay hindi na natin naririnig.

At kung patuloy nating hahayaang malunod ang mga bulong na ito sa katahimikan, darating ang panahong wala nang matitirang tinig na magpapaalala sa atin kung sino tayo at saan tayo nagsimula. Kaya bago tuluyang lamunin ng panahon ang ating alaala, panahon na upang tayo mismo ang magbigay-diin sa mga bulong ng nakaraan—gawin nating sigaw, gawin nating gabay, at gawin nating alaala na hindi kailanman malilimutan.



No comments:

Post a Comment