Disenyo ni: Janaeka Villanueva
Inilathala ni: Lady Yoohee Catapang
Petsang Inilathala: Setyembre 8, 2025
Oras na Inilathala: 12:46 pm
Sinasabing edukasyon ang pinakamainam na puhunan upang masiguradong may patutunguhan. Kung wala tayong matatag at maayos na kurikulum, hindi natin masisiguro na ang mga mag-aaral ay magkakaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan para sa kanilang hinaharap.
Noong Hunyo 5, 2025, naghain si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng panukalang batas na naglalayong alisin ang Senior High School (SHS) sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas, bunsod ng mga isyung kaugnay sa implementasyon at umano’y kabiguang maisakatuparan ang mga layunin nito. Bagama’t maaaring tingnan ito ng ilan bilang praktikal na hakbang, lumilitaw na ito ay isang panandaliang solusyon sa mas malalim na problema ng sistema ng edukasyon.
Ang mga hamon sa pagpapatupad ng SHS ay hindi sapat na batayan upang ito ay tuluyang alisin. Isa sa mga pangunahing layunin ng programang ito ay ang maipantay ang ating sistema sa pandaigdigang pamantayan sa edukasyon. Sa pamamagitan ng SHS, naging mas malinaw ang landas ng mga mag-aaral patungo sa kolehiyo, trabaho, o negosyo—at naging daan ito upang makasabay sa pandaigdigang kompetisyon.
Hindi maaaring paulit-ulit na baguhin ang ating kurikulum tuwing may kakulangan. Sa halip, nararapat itong paghusayin at patatagin. Sa kasalukuyang panahon, mahalagang manatili ang SHS upang tulungan ang kabataan na matukoy ang kanilang mga interes at magiging direksyon sa hinaharap.
Ang pag-aalis sa SHS ay maaaring magresulta sa pagkawala ng mga oportunidad para sa mga mag-aaral. Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, ang karagdagang dalawang taon ay dagdag na pasanin sa oras at gastusin para sa mga magulang at mag-aaral. Bagama’t totoo ito para sa ilan, mahalagang tandaan na ang edukasyon ay isang pamumuhunan—isang paghahandang kinakailangan upang makamit ang mas magandang kinabukasan.
Sa halip na tanggalin, nararapat na pagtuunan ng pansin ang mga konkretong reporma para mapabuti ang pagpapatupad ng SHS. Maaaring isaalang-alang ang pag-aayos sa nilalaman ng kurikulum, pagdaragdag ng mga pasilidad, at pagpapatibay ng mga pangunahing asignatura upang mas tumugma ang mga ito sa landas na nais tahakin ng mga estudyante.
Isa sa mga patunay ng patuloy na hamon sa kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2023, kung saan nasa ika-76 na puwesto ang Pilipinas sa 81 na bansa sa larangan ng reading comprehension. Sa halip na bumalik sa dating 10-taong sistema ng basic education, mainam na tugunan ang ugat ng suliranin—ang mabagal na reporma at ang hindi pa rin ganap na matatag na kurikulum.
Sa isang bansang patuloy na umuunlad tulad ng Pilipinas, mahalaga ang pagbabago, ngunit mas mahalaga ang pagkakaroon ng pangmatagalang solusyon. Ang edukasyon ay pundasyon ng bawat bansa. Kaya sa halip na burahin ang SHS, dapat itong pagbutihin sa pamamagitan ng sapat na kagamitan, masusing pagsasanay para sa mga guro, at pagtutok sa kalidad ng pagtuturo.
Bawat mag-aaral ay may karapatang makatanggap ng dekalidad na edukasyon—at nagsisimula ito sa isang matatag, makabuluhan, at planadong kurikulum.
[:Mga Sanggunian:]
[1.] Congressional Policy and Budget Research Department. (2024, October). Philippines’ performance in the 2018 and 2021 PISA (Facts & Figures No. 11). House of Representatives, Philippines. https://cpbrd.congress.gov.ph/wp-content/uploads/2024/10/FF2024-11-Philippines-Perf-in-the-2018-and-2021-PISA.pdf
[2.] GMA Integrated News. (2025, June 6). Jinggoy seeks removal of SHS in basic education. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/948479/jinggoy-seeks-removal-of-shs-in-basic-education/story/
[3.] Journal Daily News Online. (2025, June 6). Jinggoy files bill seeking removal of Senior High School education. https://journaldailynewsonline.com.ph/index.php/2025/06/06/jinggoy-files-bill-seeking-removal-of-senior-high-school-education/
No comments:
Post a Comment