Friday, October 17, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Si Juan Pinagsasamantalahan” ni Lara Marie De Leon

 


Inilathala ni: Iana Henson
Petsang Inilathala: Oktubre 17, 2025
Oras na Inilathala: 2:12 PM

Kategorya: Prosa

Tema: Pagsasamantala ng gahaman sa mamamayang lumalaban ng patas.


Noon pa man, hindi na ako naniniwalang tamad si Juan.


Si Juan na tila nakatanim na ang mga paa sa pilapil ng palayan? Si Juan na maghapong kumakayod sa tubuhan para sa sahod na barya lamang para sa iba? Si Juan ba na dose oras kung magtrabaho sa pabrika, kahit ang kapalit ay kulang pa para sa araw-araw?


Kung tunay ngang tamad si Juan, bakit pa siya bumabangon bawat umaga kahit wala pang araw sa kalangitan? Kung tamad si Juan bakit patuloy pa rin siya sa pagsasaka sa lupang hindi naman sa kaniya at nagbubungkal ng butil na hindi naman siya ang makikinabang? Hindi tamad si Juan.


Higit pa akong naniniwala na si Juan ay pinagsasamantalahan.


Sapagkat ang katamaran ay hindi matatagpuan sa lalim ng putik sa palayan o sa usok at ingay ng pabrika. Ang katamaran ay naroroon sa malamig na opisina, kung saan ang mga kamay na dapat ay niyayakap ng posas ay nakahawak sa mamahaling pluma.  Ang katamaran ay matatagpuan sa loob ng palasyong bato, kung saan ang katahimikan ay ginagawang panakip upang hindi marinig ang galit ng mamamayan. 


At sa mga panahon na ang bayan ay humihiyaw para sa katarungan, ang katahimikan ay hindi pananatili ng kapayapaan—ito’y pagprotekta sa may sala. Sa bawat hindi pag-imik, sa bawat pag-iling, nagiging kasabwat ng sakim ang pagsasawalang-bahala sa nangangailangan. Wala ring pinagkaiba ang tahimik sa mga gahaman—nakaririnig, ngunit walang ginagawa. 


Mahiya naman kayo kay Juan. Mahiya kayo sa libo-libong Pilipinong kayod-kalabaw sa araw at gabi, handang isakripisyo ang dugo at pawis para lamang sa kaning tutong na ihahain sa hapag. Mahiya kayo sa mga Pilipinong nalulubog na sa utang, at sa parehong panahon ay lubog din sa baha. Ano ang dangal na mayroon ang pamahalaan kung ang mamamayan nito ay alipin ng kahirapan? Ano ang halaga ng pag-unlad kung ang nagtatanim at nagbubungkal ng palay ay kahit katiting, hindi nakatitikim ng ginhawa?


Si Juan ay hindi tamad, Si Juan ay larawan ng isang bayang pinagsasamantalahan ng sakim at gahaman, ngunit kailanman ay hindi sumuko sa laban.

No comments:

Post a Comment