Inilathala ni: Jeliana Atabay
Petsang Inilathala: Nobyembre 21, 2025
Oras na Inilathala: 6:34 PM
Kategorya: Tula
Tema: Pangarap ng kabataan laban sa dilim ng kasinungaling
Sa bayan kong sinilangan, puno ng pag-asa–
Ngunit sa likod ng ngiti, may takot at dusa.
Mga batang naglalaro, may pangarap sa mata—
Ngunit gutom at hirap, siyang sumisira.
Kung ang kabataan ay ilaw ng kinabukasan–
Sila’y huhubog ng bagong kasaysayan.
Magiging binhi ng tunay na pagbabago—
Itatanim sa lupa, aani ng ginto.
Sa mga mata ng mga anak, ang tanong ay nakataga—
"Bakit ang aming pangarap, kay hirap makuha?"
Sa mga lingkod-bayan, nasaan ang kanilang dangal?
Nakaupo sa ginto, habang bayan ay gutom at nasasakal
Sa bawat katahimikan, dama ang bigat at sakit—
Sa mga sulok ng kwarto, mga pangarap ay nakaukit.
Sana’y magbago ang hangin, dumating nawa ang araw—
Ang kinabukasan ng bawat isa'y 'di na maagaw.
Sa gitna ng gutom, sa lilim ng pangamba—
Kabataan pa rin ang umaasang may umaga.
Sila’y patuloy na humahakbang sa bawat pagkadapa—
Dugo’t pawis nila’y may kalakip na pag-asa.
Sa bawat pagsikat ng araw, may panibagong laban–
Hangad ang pagbabago’t tunay na kalayaan.
Itigil ang korapsyon, ituwid ang landas ng bayan—
Isang panata para sa tunay na kalayaan.

No comments:
Post a Comment