Tema: Pagpapahalaga at paggunita sa isang kaibigan na minsang naging tahanan at liwanag sa gitna ng kadiliman, at ang pagdadala ng alaala bilang patunay na hindi kailanman nawala ang kanyang presensya sa puso.
Binuksan ko ang isang lumang kwaderno na matagal ko nang itinatago sa likod ng aparador—isang talaarawan na puno ng ating mga alaala. Sa bawat pahina, muling nabubuhay ang mga sandaling minsan kong pinagsaluhan kasama ka, mga alaala ng nakaraan na minsan ay ako mismo ang namuhay.
Muli kong naalala ang panahon na ako'y bata pa, walang alam, walang direksyon, at puno ng pangamba. Doon, ikaw ay nakatayo—hindi bumitaw sa aking kamay, hindi ako iniwan sa kadiliman. Sa gitna ng aking pagkaligaw, ikaw ang naging liwanag. Sa tuwing ako'y naguguluhan, ikaw ang katahimikan. Sa tuwing ako'y nag-iisa, ikaw ang nagsilbing tahanan. Sa bawat hampas ng alon, ikaw ang tanging kinakapitan. Sa gitna ng lahat ng takot at pangamba, ikaw ang matibay na sandalan.
Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, masakit isipin na hindi ko kailanman naipahayag nang maayos ang laman ng aking puso. Hindi naibigay ang tunay na mga nararamdaman, dahil sa isang dahilan na ako'y nahihiya, natatakot magsabi ng aking pasasalamat.
Nakakatawa at masakit isipin ngayon: bakit ko nga ba ikinahiya ang pagsabi ng simpleng salamat? Bakit ko nga ba inisip na likas lamang ang iyong kabutihan—na para bang ito'y isang bagay na nararapat at hindi na kailangang suklian? Hanggang ngayon, sinisisi ko ang sarili sa bawat pagkakataong pinili kong manahimik lamang.
Kung may pagkakataon lamang na maibalik ang oras, sana'y naging mas maunawain ako, mas mapagbigay, mas maalaga. Sana'y naipakita ko nang malinaw ang lahat ng aking nadarama. Sana'y nakaya kong tumbasan ang lahat ng iyong ibinigay. Sana'y natutunan ko noon pa man na hindi lamang tumanggap, kundi magbigay rin—ng oras, ng pag-aalaga, ng wagas na pasasalamat.
Maaring sa iba'y tila kababawan ang pagluha ko tuwing naiisip kita, pero para sa akin hindi ka basta-bastang tao lang na napasok sa aking buhay. Ikaw ang naging tahanan, sandigan, at kaibigang hindi nagsawa sa pagtayo sa aking tabi.
Totoo nga siguro ang kasabihan na bawat tao na pumapasok sa ating buhay ay may panahon lamang na mananatili. Darating at darating ang oras ng paglisan—masaya man o masakit, tahimik man o puno ng luha. Ngunit kailanman, hindi mabubura ang mga alaala. Ang mga oras na puno ng saya, pagmamahal at kabutihan na iniwan mo na nakaukit sa aking puso, habang-buhay kong dadalhin.
Sa pagtulo ng luha sa aking mga mata, muli kong isinara ang talaarawan ng ating mga memorya at inilagay ito sa isang lugar na lagi kong makikita. At sa bawat pagbalik ko rito, maaalala ko na minsan, may isang tao na naging mundo ko.
At hanggang ngayon, dala ko pa rin sa bawat tibok ng aking puso ang lahat ng alaala, bilang paalala na minsan, hindi ako nag-isa.
Ipinaskil ni Jigger Von Malenab
Naipaskil : October 3, 2025
Oras: 6:27pm
No comments:
Post a Comment