Dibuho ni: Yanai De Leon
Inilathala ni: Jadelynn Arnigo
Petsang Inilathala: Nobyembre 13, 2025
Oras na Inilathala: 3:05 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Sandigan at pahinga sa gitna ng pagod at kaguluhan ng buhay.
Sa mga sandaling ang mundo ay magulo, na kung saan ang bawat araw ay tila alon na walang katapusan—gusto kong tumakbo sa’yo. Hindi para takasan ang mga pinagdadaanan, kung hindi para maramdaman ang kapayapaan na sa’yo ko lamang nakikita at natatagpuan.
Sa mga araw na pilit akong sinusubok, nilulunod, at pinapagod ng panahon, ikaw ang aking naging sandigan at pinagkukunan ng lakas. Sa iyong mga ngiti ay natagpuan ang katahimikan na matagal ko nang inaasam—puno ng pagmamahal, kapayapaan, at pagkalinga.
Ikaw ang nagsilbing aking liwanag sa mga gabing madilim. Itinuro mo sa akin na sa bawat hamon ng buhay ay hindi kailangan parating maging matapang; minsan, sapat na ang may karamay sa bawat pinapakitang kahinaan.
At sa pagitan ng luha at ngiti, mas nakilala ko ang sarili kong mas matatag, marunong umunawa, at marunong ding magpahinga. Sa bawat pagod na katawan at pusong sugatan, ang tinig mo’y nagiging himig ng pag-asa—paalala na may bukas pa, may liwanag sa dulo, at may mga bisig na handang sumalo sa bawat pagbagsak. Sa piling mo, natutunan kong ang pag-asa ay hindi kahinaan, kundi lakas na hatid ng pagtitiwala. Sa bawat tibok ng puso, tila may bulong: kahit magulo ang mundo, may isang taong nananatiling tahanan ko.
Kaya’t sa tuwing ako ay nanghihina at hindi mawari ang gagawin, ipinipikit ko na lamang ang aking mga mata—hihinga ng malalim at iisipin ang iyong matamis na ngiti—simbolo na ikaw ang aking pahinga.

No comments:
Post a Comment