Monday, January 26, 2026

𝗣𝗔𝗡𝗜𝗧𝗜𝗞𝗔𝗡: “Ako pa rin ba ang pipiliin mo?” ni Lana Yvonne Rante


Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag

Petsang Inilathala: Enero 26, 2026

Oras na Inilathala: 7:45 AM


Kategorya: Tula

Tema: Isang persona na humaharap sa sariling pagbabago at nakikiusap kung siya'y matatanggap parin ba. 




May lakas ka bang salubungin ang anyo ko,

kung ang hakbang ko’y puno ng pag-urong?

Kung ang pangalan ko’y banyaga na sa’yo,

mananatili ka ba sa gitna ng alinlangang iyon?


Kapag ang dapit-hapon ay magbilang ng wakas,

at ang oras ay dahan-dahang magpaalam,

May mata bang haharap sa aking paglipas,

o iiwas sa katahimikang biglang lumalamlam?


Kung ang bawat umaga’y may bagong mukha,

na hindi mo agad mabigkas o makilala,

May puwang ba ako sa iyong mga tanong,

o ako’y lilimutin ng pagbabagong dinadala?


Hindi lahat ng reporma ay sigaw o lindol,

minsan ito’y tahimik na paglayo ng tinig,

mga pangarap na dahan-dahang humuhubog,

at mga luhang natutong di na umimik.


Kung ang bawat ako ay may sariling libing,

at ikaw ang saksi sa mga iniwang anyo,

May tapang ka bang hintayin ang paggising,

kung akoy muling babangon, kahit hindi na buo?


Kaya sabihin mo—

hindi kapag malinaw at klaro ako,

kundi habang nagkakalas ang pangalan ko:

ako pa rin ba ang pipiliin mo?


 

No comments:

Post a Comment