Friday, January 16, 2026

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Ang Susi ay Ikaw” ni Khim Lhady May Galasinao

Inilathala ni: Jadelynn Arnigo

Petsang Inilathala: Enero 16, 2026

Oras na Inilathala: 10:57 AM


Kategorya: Prosa

Tema: Unti-unting paglaya sa sariling pangamba.


Walang bakal na nakagapos sa iyong mga kamay. Walang pader na humaharang sa paligid mo. Walang kandadong pumipigil sa iyong paglakad. At gayon pa man, may bigat na hindi nakikita, isang bulong na paulit-ulit na nagsasabing mas maliit ka kaysa sa sarili mong mga pangarap. Hindi ang mundo ang tunay na kulungan, kundi ang tinig na matagal mo nang pinapakinggan, ang mga bulong ng sariling isip.

Ngunit itanong mo sa iyong sarili, sino ba ang nagbigay rito ng kapangyarihang manguna?

Sa loob mo ay may kalawakang hindi pa natutuklasan, mga langit na sagana sa posibilidad, at mga bituing maaaring magsilbing gabay tungo sa tagumpay. Ngunit madalas, paikot-ikot ka sa parehong daan, kinakain ng pangamba na baka hindi ka handa, baka hindi mo kaya. Kaya maski ikaw mismo, natututo nang tanggapin na ito lamang ang para sa’yo, na wala ka nang kayang higitan.

Ngunit hindi propeta ang isip. Isa lamang itong salamin ng mga bagay na nakita, narinig, at pinaniwalaan. Isa itong manunulat na nakalimutang maaari pa itong lumikha ng bagong kabanata, na maaari pang baguhin ang kuwento.

Paano kung simulan mong itanim ang tapang sa lugar kung saan dati’y may alinlangan?

Paano kung sa halip na isipin ang pagbagsak, simulan mong pag-aralan kung paano lumipad?

Kapag sinabi mong hindi ko kaya, nagtataas ang isip ng mga pader na singtaas ng bundok na tila imposibleng akyatin. Ngunit kapag bumulong ka ng susubukan ko, na kaya ko, unti-unting gumuguho ang mga pader na iyon.

Kaya hayaan mong magkamali ka, matisod, at magsimula muli. Ang pag-unlad ay bihirang tuwid, ito’y magulo, tila daanang lubak at mahirap tawirin. Ngunit, bawat hakbang pasulong, gaano man kabagal, ay patunay na hindi ang tinig ng pagdududa ang may kapangyarihan sa iyong buhay.

Ang pinakamalaking hadlang sa paglipad ay ang imaheng ikaw mismo ang gumuhit. At kahit iyon, maaari mong buwagin.

Hindi kulungan ang iyong isip. Ito ang iyong susi.

Susing magbubukas ng bagong oportunidad. Magpapatuloy ng kabanatang inilathala. Magtatayo ng tulay para sa kinabukasang iyong inaasam.

At hindi mo namamalayan, nakaya mong harapin ang mga bulong na minsan kang hinarangan.

No comments:

Post a Comment