Friday, January 16, 2026

 

            

 

Inilathala ni: Kyla Shane Recullo

Petsang inilathala: January 16, 2026

Oras na inilathala: 8:07 AM


PANITIKAN: “Pakinggan ang Tinig ng Iyong Puso” ni Precious Joemalaine Ngo

KATEGORYA: Prosa

TEMA: Pagsasawalang-bahala sa pita ng iba at pagsunod sa sariling ninanais


Minsan akong naligaw—naligaw sa dilim, naligaw sa landas, naligaw sa sarili, nawaglit ang aking ngiti, at nawaglit ang lahat. Subalit ang mga pighati, dalamhati, at pagsubok na iyon ang siyang nagpatatag sa akin at nag-ugat ng aking pananampalataya sa Diyos.


Ako’y hinusgahan. Ako’y napuno ng hiya. At ang pinakamasakit sa lahat—nagsimula kong kamuhian ang aking sarili. Hindi ko pinakinggan ang tibok ng sarili kong puso; hindi ko natukoy ang tunay kong nais sapagkat abala ako sa pagpapasaya ng iba. Hindi ko alam kung tunay ba akong masaya sa aking ginagawa, o nakararamdam lamang ako ng ginhawa dahil natugunan ko ang kagustuhan ng mga taong nais kong manatili—ngunit sa kabila nito’y iniwan din nila ako.


Isang araw, may tinig na nagsalita: “Manalig ka sa lahat ng kaya mong maging. Ano man ang iyong hangarin, bigkasin mo at pakinggan ang iyong puso.” At ako’y biglang naliwanagan. Tinig ba iyon ng Diyos? Oo—sapagkat sa pinakamabibigat at pinakamasasakit kong sandali, sa oras na walang ibang nariyan, Siya ang nanatili at nagpaalala na hindi ako nag-iisa.


Mula noon ay nagsimulang sumibol ang kumpiyansa sa sarili. Lalong tumatag ang aking diwa. Luminaw ang aking pananaw. Tumuwid ang aking landas. Ang madidilim na sulok ay naliwanagan, at sa unang pagkakataon ay dinig ko ang mga bulong at pagnanais ng aking puso. Sinundan ko ang aking mga pangarap, ibinuka ang aking mga pakpak, at natuklasan kong kaya kong lumipad tungo sa aking mga mithiin—malaya sa bigat ng salita at inaasahan ng iba.


At ngayo’y batid kong ako’y minamahal. Batid kong may mga taong nagmamalasakit sa akin. Natutunan kong hindi kailangang ipagpilitan ang sarili upang manatili ang iba; kung nais nilang manatili, sila’y mananatili. Habang nagbubukas ang mga pahina ng aking buhay, nakikilala ko ang mga taong handang sumuporta at ipakita ang pag-ibig na hindi ko pa natagpuan noon. May mga pagkakataong bumabalik ang hapdi ng nakaraan, subalit hindi na ito tulad ng dati. Sa halip, ako’y napapangiti—sapagkat kung wala ang mga iyon, hindi ako magiging ganito katatag at katapang sa ngayon.


Ang aking puso’y parati ko nang nadidinig, Ako’y payapa at magaan, hindi dahil sa pagtupad ng kagustuhan ng iba, kundi dahil natupad ko ang sariling akin. Narating ko ang aking mga hangarin at naisakatuparan ang mga pangarap na matagal nang nananahan sa aking puso. Dumadaloy ang mga luha—hindi dahil sa sakit o pighati, kundi dahil sa galak.


Iniwan ko ang nakaraan at ang mga alaala ng sakit, at pinalitan ko ang mga ito ng kasiyahan. Sa sandaling iyon ng pagiging buo, napagtanto ko na kung ipinagpatuloy ko ang pagpilit at pagmamakaawa sa iba na manatili, hindi ko kailanman matatamo ang pag-unlad at pagyabong. Mula ngayon, iisipin ko ang aking sarili at susundin ang sariling puso—uunaing tuparin ang akin bago ang pita ng iba.

No comments:

Post a Comment