Inilathala ni: Patrick Lance Guerra
Petsang Inilathala: Enero 19, 2026
Oras na Inilathala: 12:28 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagtanggap sa sariling itsura sa likod ng mga panghuhusga at puna ng iba.
Simula noong ako'y bata pa, dahan-dahang hinubog ng mga salita ng iba ang paraan ng pagtingin ko sa sarili. Hindi man tuwirang masasakit sa una, sapat ang paulit-ulit na puna upang unti-unting mag-iwan ng marka. Ang aking kayumangging kutis ay madalas gawing paksa ng paghahambing, at ang aking buhok ay laging itinuturing na sagabal, masyadong makapal at masyadong magulo. Sa murang edad, natutunan kong sukatin ang sarili ayon sa paningin ng iba, at doon ko unang naramdaman na parang may kulang na kahit ako, hindi alam kung ano.
Habang lumalaki, mas naging malinaw ang distansya ko sa sarili kong repleksiyon. Hindi ko ito kayang makita dahil natatakot akong kumpirmahin ang lahat ng sinabi nila noon, na baka hindi sapat ang kung anong mayroon ako. Dumating sa puntong napapatanong ako kung ito na lang ba ako? Hanggang dito na lang ba ang anyong kailangan kong tanggapin habang buhay?Unti-unti kong tinanggap na ang ganda ay isang bagay na ipinagkakaloob lamang sa iilan, at ako'y naroon lamang upang tumingin mula sa malayo.
Sanay akong magduda sa mga titig na masyadong matagal. Pero sa bawat pagkakataong nagtatagpo ang ating mga mata, may kakaibang katahimikan akong nadama. Parang sa unang pagkakataon, hindi ko kailangang mahiya’t itago ang sarili sa iba. Tila may mahika ang 'yong mga mata. Sa bawat titig mo, hindi ko makita ang mga salitang ibinaon sa isipan ko noon. Hindi mo binibilang ang aking kapintasan, hindi mo hinahanap ang kulang. Ang repleksiyon ko sa iyong mga mata'y kumikinang, na parang mga alitaptap sa gabi o ang dahan-dahang pagsikat ng araw sa umaga.
Unti-unti kong natutunang yakapin at mahalin ang lahat saakin. Hindi pa rin perpekto, pero ngayo'y tanggap ko. At doon ko napagtanto, hindi mo ako binago. Ang nagbago ay ang paraan ng pagtingin ko sa sarili ko, dahil sa presensya mo.
Ngayon, kahit paminsan-minsan ay bumabalik pa rin ang mga salita at panghuhusga ng iba sa aking isipan, ramdam ko na hindi na nila ako kontrolado. Hindi na ako natatakot tumingin sa salamin. Dahil sa bawat titig niya natutunan kong tanggapin ang sarili ko nang buo, kasama ang lahat ng kulang at imperpeksiyon na dati'y itinatago ko.
At napagtantong ang kagandahan ko'y hindi nasusukat sa kung anong repleksiyong nakikita ko sa salamin, kundi sa mata ng taong tunay na nakakita sa akin.

No comments:
Post a Comment